
Patuloy na namamayagpag sa TV ratings ang coming-of age drama series na Underage, na pinagbibidahan nina Sparkle stars Lexi Gonzales, Elijah Alejo, at Hailey Mendes.
Noong Miyerkules, April 5, talagang sinubaybayan ng mga manonood ang pag-amin ni Dominic (Christian Vasquez) kay Celine (Lexi Gonzales) na siya ang tunay na ama nito. Ipinagtapat ni Dominic ang totoong ugnayan niya kay Celine matapos magtaka ang dalaga kung bakit siya tinutulungan nito sa kaniyang kaso.
Narinig naman ni Lance (Gil Cuerva) ang buong pag-uusap nina Celine at Dominic sa ospital matapos niyang bisitahin din ang dalaga.
Napanood din sa nasabing episode na hindi inamin ni Tope (Vince Crisostomo) kay Carrie (Hailey Mendes) ang kaniyang kasalanan dahil natakot siya sa mga sinabi ni Becca (Yayo Aguila) tungkol sa maaaring mangyari sa kaniya sa loob ng presinto kung aaminin niya na siya ang pumatay kay Leo (Nikki Co).
Sa pagpapatuloy ng kuwento noong April 10, naging emosyonal si Celine sa harap ng kaniyang ama dahil sa sakit na nararamdaman niya nang iwan sila nito noon para sa kaniyang ambisyon.
Sa pag-uusap nina Lance at Dominic, sinabi ng huli sa kaniyang stepson na huwag nito sasabihin kahit kanino ang tungkol sa totoong ugnayan nila ni Celine.
Bukod dito, matinding galit ang naramdaman ni Velda matapos malaman na nagtungo sina Dominic at Lance sa ospital para kay Celine.
Umani ng mataas na TV ratings ang 58th at 59th episodes ng Underage dahil pareho itong nakapagtala ng 7.0 percent na ratings, ayon sa NUTAM People Ratings.
Subaybayan ang mga tumitinding tagpo sa Underage, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m., sa GMA Afternoon Prime at sa Pinoy Hits - Channel 6 ng GMA Affordabox at GMA Now.
Mapapanood din ang Underage via Kapuso Stream at sa official Facebook page at YouTube channel ng GMA Network.
Maaari ring i-stream ang full episodes nito at ng iba pang programa ng GMA sa GMANetwork.com o GMA Network app.
SAMANTALA, KILALANIN ANG CAST NG UNDERAGE SA GALLERY NA ITO: