TV

Elijah Alejo, inaming na-challenge sa kanyang role bilang Chynna sa 'Underage'

By Dianne Mariano

Challenging para kay Kapuso star Elijah Alejo ang kanyang pinagbibidahang karakter na si Chynna Serrano sa afternoon drama series na Underage.

Ibinahagi ito ng aktres sa recent Hangout episode sa TikTok live ng Sparkle GMA Artist Center kasama ang Underage co-star nito na si Hailey Mendes. Tinanong ang teen actress kung paano siya nag-step up sa hamon ng kanyang bagong role.

“Nagdadasal po talaga ako na, 'Lord, please po bigyan niyo po ako ng strength na kayanin po 'tong challenging role na 'to' Kasi super, super challenging niya po.

“Yes po, nagkaroon po ako before ng rape scenes, 'yung ibang nangyari kay Chynna nagawa ko siya sa ibang shows pero 'yung ganito na… kumbaga, lahat biglang na-compile sa iisang series, sa iisang character, parang 'Okey, kaya ko ba 'to?' Nagkaroon po ako ng doubt sa sarili ko,” kuwento niya.

Sa kabila ng hamong ito, pinag-aralan ng 18-year-old star ang kanyang karakter at ang bawat eksena niya sa serye.

Aniya, “But then, pinag-aralan ko, 'yung mga nangyari. Nakikipag-communicate ako sa writers, kila Direk Rechie na parang 'Ano bang gusto niyo dito kay Chynna? Ano'ng klaseng PTSD mayroon siya?' May mga gano'n po akong tanong.”

Aminado rin si Elijah na kinabahan siya nang malamang gagampanan niya sa modern version ng Underage ang naging role noon ni veteran actress Snooky Serna.

“When I first knew that kasama ko siya here sa Underage and they told me na 'yung character dati ni Tita Snooky is my character now dito sa adaptation, I was really nervous po like, 'Hala. Can I pull it off ba like how Tita Snooky pulled it off doon sa original [film]?' Kumbaga po, mayroon po akong ino-overthink na gano'n,” pagbabahagi niya sa interview ng GMANetwork.com.

Ayon pa sa Sparkle artist, marami silang natutunan ng kanyang co-stars mula sa beteranang aktres nang makatrabaho nila ito.

“When I worked with her po, she's so humble, down to earth. She's so wise na marami po siyang kinukuwento and marami po siyang [pieces of] advice para po sa amin nina Lexi. Kumbaga dito po talaga sa showbiz, you have to love what you're doing and kailangan po mabait ka po sa lahat, marunong kang makisama,” saad niya.

Subaybayan si Elijah sa Underage tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m., sa GMA Afternoon Prime at sa Pinoy Hits - Channel 6 sa GMA Affordabox at GMA Now.

Mapapanood din ang Underage via Kapuso Stream at sa official Facebook page at YouTube channel ng GMA Network.

Maaari ring i-stream ang full episodes nito at ng iba pang programa ng GMA sa GMANetwork.com o GMA Network app.

SAMANTALA, KILALANIN ANG CAST NG UNDERAGE SA GALLERY NA ITO.