
Nagbabalik-teleserye ang dating child star na si Maybelyn Dela Cruz matapos ang siyam na taon. Kabilang siya sa cast ng upcoming GMA Afternoon Prime na Unica Hija na mapapanood na simula November 7.
Ilan sa mga popular na show ni Maybelyn ang Ang TV at Home Along Da Riles na ipinalabas sa kabilang istasyon noong '90s. Bilang teen star naman, napanood siya sa youth-oriented show ng GMA na T.G.I.S at Click.
Taong 2013 nang huli siyang gumawa ng serye via 2013 GMA drama series na Anna KareNina, na adaptation ng 1996 TV series na may parehong pamagat.
Noong November 2021, nagkaroon siya ng guest appearance sa weekly public service drama anthology na Wish Ko Lang! Pero ngayong 2022 na lang ulit siya tumanggap ng isang regular na role para sa isang teleserye.
Sa kanyang absence sa showbiz, naging abala rin siya sa pagiging public servant. Nagsilbi siyang konsehal ng Dagupan City simula noong 2010 at natapos ang kanyang huling termino noong 2019. Ang asawa niyang si Michael Fernandez ay kasalukuyang konsehal ng nasabing lungsod.
Bukod pa rito, mayroong mas malalim na dahilan kung bakit nag-lie low si Maybelyn sa pag-arte: ito ay para pagtuunan ang pagbuo ng pamilya.
Ani ng aktres, siyam na taon siyang naghintay para magkaroon ng anak matapos silang ikasal ng kanyang mister noong 2008.
"I finished my term in 2019 and I refused to run anymore kasi inuuna ko 'yung pag-uumpisa ng pamilya talaga kasi mahirap ako magbuntis, e. I had six failed IUIs, three failed IVs, pang-apat na attempt na itong kay Olivia so 'di ako pwede ng stress, 'di ako pwedeng ikot nang ikot so I really had to stay put for a very long time para lang mabuo si baby girl," kuwento ni Maybelyn sa ginanap na virtual media conference ng Unica Hija noong October 25.
Ngayong malaki na at limang taong gulang na ang kanyang anak na si Olivia na kung tawagin niya ay "miracle baby," perfect timing daw ang offer sa kanya maging parte ng bagong Kapuso show na Unica Hija lalo pa at na-miss niya ang pag-arte.
Aniya, "I feel very grateful and honored to be part of this show dahil kasama namin magagaling na artista, magagaling ng directors, 'yung creative team mismo for them to come up with a story like this, ibang klase."
Kontrobersyal ang kwento ng Unica Hija na may mapangahas na tema tungkol sa human cloning.
Sa serye, pinagkunan ng DNA ang orihinal na karakter ng bida nitong si Kate Valdez para makabuo ng clone matapos itong mamatay.
Ayon kay Maybelyn, malapit sa puso niya ang konsepto ng Unica Hija dahil natulungan siya ng siyensa na maging ina sa kabila ng mga komplikasyon niya noon sa pagbubuntis.
"Siyempre, meron at merong iba't ibang opinyon tungkol dito sa tema ng aming show but I think I agree with everyone who said earlier na this is all about acceptance.
"Kasi, at the end of the day, 'yung pagiging tao natin, kasi we are a person because of our humanity, how we accept other people and, ako, having a kid na produced by science, kahit sa ngayon marami ang nag-a-IVF, iba-iba pa rin naman 'yung opinyon ng mga tao sa IVF e.
"Pero kung wala ang siyensa, wala 'yung acceptance ng bawat isa, papaano naman din kami?
"So I think for cloning for as long as siguro 'yung clone may emotions, may feelings, meron s'yang humanity sa kanya, then dapat meron din siyang place sa mundo."
Bilang nakilala sa pagiging young actress noon, pinuri ni Maybelyn ang work attitude ng mga kasama niyang mga batang artista sa Unica Hija. Bukod kay Kate, nakatrabaho rin ni Maybelyn ang mga baguhang artista na sina Kelvin Miranda, Faith Da Silva, at Athena Madrid na gaganap na anak niya sa serye.
Bahagi ni Maybelyn, "Sobrang babait nilang lahat. Actually 'pag pumunta ka sa set namin, makikita mo 'yung mga 'yan nagba-bonding talaga sila.
'And kapag trabaho na, makikita mo talaga sila lahat, may hawak na script kahit hindi pa nila oras mag-take, makikita mo 'yan nagto-throw lines sila, nagre-rehearse sila so they are really taking everthing seriously.
"'Yung trabahong 'to, hindi ito laro para sa kanila pero nakakatuwa kasi 'pag sinabing 'pag ganitong oras, walang hihintayin sa kanila talagang impunto talagang and'yan talaga sila.
"Talagang they are very professional, very warm, masarap silang katrabaho sobrang gaan ng set namin at saka siyempre dahil mga bata pa e sobrang saya, sobrang bubbly ng set namin parati.
"'Tapos, totoo 'yung sinabi ni Tito Boboy (Garrovillo) na magagaling silang lahat kumanta. Halos lahat, if not all of them, are musicians. Kung hindi may hawak na instrumento, kumanta so ang saya-saya ng set."
Importante ang role na gagampanan ni Maybelyn sa Unica Hija na may kinalaman sa kahihinatnan ng bida. Lalabas siya ritong kaibigan ni Kate at asawa ni Mark Herras.
Si Therese Malvar ang gaganap bilang batang bersyon ng karakter ni Maybelyn; samantalang si Kych Minemoto naman ang para kay Mark.
Mapapanood din sa Unica Hija sina Katrina Halili, Bernard Palanca, Maricar De Mesa, Biboy Ramirez, Boboy Garrovillo, Lilet, at Jemwell Ventenilla.
Mayroon ding special participation si Alfred Vargas sa serye na idinerehe ni Mark Dela Cruz.
SAMANTALA, BALIKAN ANG SHOWBIZ CAREER NI MAYBELYN DELA CRUZ BILANG CHILD STAR SA GALLERY NA ITO: