
Magsasama-sama ang mga popular na teen stars noong '90s na sina Biboy Ramirez, Bernard Palanca, at Maybelyn Dela Cruz sa bagong GMA Afternoon Prime series na Unica Hija.
Sumikat ang tatlong artista sa kasagsagan ng mga barkada series sa Philippine TV gaya ng Click kung saan kabilang sina Biboy at Maybelyn. Si Bernard naman ay nakilala sa youth-oriented series na Gimik.
Sa Unica Hija, bibigyang buhay ni Biboy ang papel na Jhong, ang truck driver na kukupkop sa sanggol na si Hope, ang clone ni Bianca (Kate Valdez).
Ito ang unang serye ni Biboy matapos ang dalawang taon. Matatandaang ang pinagbidahang serye ni Alden Richards na The Gift ang huli niyang ginawang serye sa GMA. Ipinalabas ito noong September 2019 hanggang February 2020.
Bago ang The Gift, naging parte si Biboy ng 2019 GMA afternoon drama na Bihag.
Gaya ni Biboy, tuluy-tuloy din ang showbiz career ni Bernard.
Kung si Alden ang itinuturing na heartthrob ngayong 2020s, si Bernard ang isa mga tinaguriang hunk actors noong early 2000s.
Matatandaang naging parte si Bernard ng grupong "The Hunks," na kinabibilangan din ng iba pang hunk actors na sina Piolo Pascual, Diether Ocampo, Jericho Rosales, at Carlos Agassi.
Sa Unica Hija, isa si Bernard sa mga kontrabida. Gaganap siyang Lucas, isang genius of his own pero batid niyang hindi sapat ang kanyang kakayahan.
Assistant siya ng iniidolo niyang scientist na si Dr. Christian, na gagampanan ni Alfred Vargas.
Ito ang reunion project nila ni Alfred na nakasama rin niya sa 2021 Kapuso primetime series na Legal Wives.
Samantala, comeback series naman ni Maybelyn Dela Cruz ang Unica Hija matapos ang siyam na taon.
Importante ang role na gagampanan niya rito na may pangalang Cara dahil may kinalaman ito sa kahihinatnan ng bida. Lalabas si Maybelyn na asawa ni Mark Herras at ina ni Athena Madrid.
Mapapanood ang Unica Hija weekdays, simula Lunes, November 7, 3:25 p.m. sa GMA.
NARITO ANG PASILIP SA BAGONG SUSUBAYBAYANG DRAMA SA HAPON: