TV

Pagtataray ni Faith Da Silva sa BBQ vendor sa 'Unica Hija,' may mahigit 1M views

By Jansen Ramos

Muling kinaiinisan ngayon ang aktres na si Faith Da Silva sa TV afternoon drama.

Kung matigas ang ulo ni Faith pero bibong bunso sa tatlong magkakapatid sa Las Hermanas, may pagkamaldita siya sa bago niyang Kapuso series na Unica Hija.

Gumaganap si Faith bilang Carnation, ang stepsister ni Kate Valdez sa serye.

Kung fashion conscious at nangangarap na maging isang influencer si Faith sa dati niyang palabas, kabaligtaran ito ng kanyang role sa Unica Hija.

Hindi edukada si Faith at may pagka-cheap ang dating sa nasabing GMA Afternoon Prime series.

Pruweba diyan ang isang eksena niya sa November 17 episode ng Unica Hija, kung saan bigla niyang tinarayan ang isang barbecue vendor, na ginampanan ng acting coach na si Ruth Alferez.

As Carnation, sinabihan niya itong "mukhang talaba" at sinabing "cheap" ang mga paninda.

Game namang nakipagsagutan ang vendor at tinawag pang "feeling close" si Carnation matapos itong magtanong tungkol kay Ralph, na ginagampanan ni Kelvin Miranda. Sa serye, interesado si Carnation sa binata dahil bukod sa gwapo na, mayaman pa.

Kinaaliwan ang banter ng dalawa sa nasabing episode matapos itong i-upload sa Facebook page ng GMA Drama.

Sa ngayon, mayroon na itong mahigit 1.1 million views sa social networking site.

Mapapanood ang Unica Hija Lunes hanggang Biyernes, 3:25 p.m., pagkatapos ng Abot-Kamay Na Pangarap sa GMA Afternoon Prime.

Ang livestreaming ng serye ay available sa official Facebook page ng GMA Network.

Kung ma-miss mo man ang Unica Hija, maaaring i-stream ang full episodes at episodic highlights nito at ng iba pang programa ng GMA sa GMANetwork.com o GMA Network app.

TINGNAN SA GALLERY NA ITO ANG MASAYANG SET NG UNICA HIJA: