TV

Elmo Magalona at Janine Gutierrez, kumpirmadong nagde-date na


Nang bumisita ang GMANetwork.com sa taping ng Villa Quintana, naabutan namin ang mga bida ng Afternoon Prime soap na sina Elmo Magalona at Janine Gutierrez kaya’t itinanong namin kung totoo nga ba ang balitang lumalabas na silang dalawa on a date.

Magkahiwalay naming na-interview sina Elmo at Janine dahil magkaiba ang location ng kanilang mga eksena. Matagal na kasing hindi nagkikita sina Isagani at Lynette sa istorya ng show dahil naglayas si Lynette nang malamang hindi siya tunay na Quintana.

Una naming na-interview si Elmo. Ayon sa kaniya, bihira na raw silang magkaeksena ni Janine. “Kasi most of the time [ay] narito ako sa unit and then nasa kabila si Janine. Nami-miss ko rin 'yung mga eksena na magkasama kami kasi siyempre iba 'yung tingin namin sa isa't isa. Masaya kapag ginagawa namin 'yung mga eksena namin,” saad niya.

Kuwento ni Elmo, hindi naman daw naapektuhan ang closeness nila ni Janine kahit madalas ay malayo sila sa isa’t isa dahil lagi silang nag-uusap sa telepono. “Kasi 'yun nga, nag-a-update pa rin kami kung lilipat na ba sila or pinag-uusapan din namin 'yung mga eksena na gagawin namin,” aniya.

Dahil nga magkaiba ang location nina Elmo at Janine, gumagawa raw sila ng paraan para makita ang isa’t isa. “Actually mamaya nga bibisita siya (Janine) kasi tapos na yata siya sa kabilang unit. So bibisatahin niya ‘yung set today,” pahayag ni Elmo.

Hindi agad umalis ang GMANetwork.com sa set ng Villa Quintana para malaman kung totoo ngang bibisitahin ni Janine si Elmo. Hindi naman nagkamali si Elmo dahil totoo ngang dumating si Janine. Kaya siya naman ang tinanong namin tungkol sa napapabalitang nagde-date na sila.

“Yes, when we have extra time. We hangout. We eat or watch movies,” ang diretsong sagot ni Janine.

Sa katunayan, sa interview ng Startalk sa ina at manager ni Janine na si Lotlot de Leon ay binuking niya ang dalawa. “Sinundo niya (Elmo) si Janine sa bahay. I think that was Valentine’s day. Nag-date (sila).”

Patuloy na subaybayan sina Elmo Magalona at Janine Gutierrez sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.