TV

Juancho Trivino, napabilib ni Paolo Contis sa kanyang pagiging versatile actor


Nang bumisita ang GMANetwork.com sa taping ng Villa Quintana, ikinuwento sa amin ni Juancho Trivino ang kanyang paghanga kay Paolo Contis dahil sa kakayanan niyang pagsabayin ang drama at comedy.

Dalawa ang show ngayon ni Juancho kabilang ang Afternoon Prime soap at ang longest running gag show na Bubble Gang. Natiyempo pa na ito rin ang shows ni Paolo ngayon kaya’t lagi silang magkasama sa taping.

Sa Villa Quintana, si Juancho ang gumaganap sa character ni Jason na siyang apo Don Manolo. Samantala, ang character naman ni Robert ang ginagampanan ni Paolo. Pamangkin ni Robert si Jason sa istorya kaya’t madalas silang nagkakaeksena.

Tulad nina Jason at Robert, palagi ring nagkakaeksena sina Juancho at Paolo sa Bubble Gang. Mayroon pa ngang special segment ng gag show noon na nag-portray silang dalawa bilang mga bading.

Ayon kay Juancho, hangang-hanga raw siya kay Paolo tuwing nakikita niya kung paano siya mag-iba ng character, mula comedy patungong drama. Si Juancho kasi ang nakakakita nito dahil nga halos hindi na sila maghiwalay ng aktor.

“Well off-cam, he's still Paolo Contis. Pero on-cam, ang layo talaga. Hindi mo masasabing siya 'yung same na Paolo Contis sa Bubble Gang kasi makikita mo 'yung seriousness ang 'yung truth sa mga mata niya. Basta mapapabilib ka talaga sa kanya,” pahayag ni Juancho.

Dagdag pa niya, natural na natural daw ang pagiging komedyante ni Paolo dahil siya raw ang laging nagpapatawa sa taping ng Villa Quintana at Bubble Gang. “Sobrang kwela at kulit niya sa Bubble Gang. Isa 'yun sa mga parating humihirit ng jokes at nangungulit. Basta tawanan, si Kuya Pao 'yon,” saad ni Juancho.

Patuloy na subaybayan sina Juancho Trivino at Paolo Contis sa pagganap nila sa characters nina Jason at Robert sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com