TV

Dingdong Dantes, idolo ni Nicole Dulalia sa pag-aaral


Kakatapos ni Nicole Dulalia sa high school noong March at ayon sa kanya, hindi raw siya titigil sa pag-aaral lalo pa noong mabalitaan niya ang pinagdaanan ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, para makagraduate sa kolehiyo.

Hindi tulad ng ibang artista, regular school ang natapos ni Nicole. Aniya, malaki ang naitulong ng school niya para maka-graduate siya. “’Yung school ko po noong Super Twins hanggang ngayon, 'yun pa rin po, so naiitindihan po nila ako na nag-aartista po ako,” saad niya.

Dagdag pa ni Nicole, hindi raw hinahayaan ng school niya na wala siyang grade sa seat works at quizzes na nami-miss niya. Lagi raw siyang binibigyan ng special assignments ng kanyang teachers para may mailagay sa grade niya.

“Ang saya po! Four years na lang at tapos na rin sa pag-aaral! Nabawasan na 'yung hirap. 'Yung four years sa college, sandali na lang 'yan. Kaya na 'yan,” sagot niya.

Gusto raw ni Nicole na mag-enroll sa University of Santo Tomas ng kursong Mass Communications pero mukhang nawawalan na raw siya ng pag-asang makapasok dito. “Kaso po, hindi po kaya na nag-a-absent doon. Sayang naman kasi kung mada-drop lang din,” aniya.

Pero ayon sa aktres, hindi raw siya susuko sa pag-aaral at gusto niyang magkaroon ng degree tulad ni Dingdong. “Idol ko po siya! Kasi parang kung tutuusin pwede namang hindi na tapusin 'di ba? Pero naging model po siya sa 'kin, na ‘yung studies talaga [ay] napakaimportante na kailangan mong tapusin,” pahaya ni Nicole.

Bukod pa rito, naniniwala raw si Nicole na importanteng nakapagtapos ka ng pag-aaral dahil hindi permanente ang pagtatrabaho sa showbiz. Kaya kahit hindi siya makakapasok sa unibersidad na gusto niya, gagawa pa rin daw siya ng paraan para maumpisahan na ang pagpasok sa kolehiyo ngayong school year.

Patuloy na subaybayan si Nicole Dulalia bilang Snooky sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com