TV

“Pinapaikot ko lang kayong lahat!” – Don Manolo Quintana


Noong isinilang ng aking asawa ang unico hijo kong si Robert, sinabi ko sa sarili ko na kailangan ay maging maganda ang buhay niya. Dapat ay maikasal siya sa isang babaeng mayaman din tulad naming mga Quintana. Aba, ako yata ang nagmamay-ari ng pinakamalaking lupain dito sa San Isidro kaya dapat lang na ako ang masusunod!

Pero nang lumaki na si Robert, sinuway niya ang mga utos ko. Nakipagrelasyon ba naman sa isang hardinerang may kakarampot na lupa! Walang-wala ang lupa ng pamilya ng babaeng iyon sa lupain ko! Lumeng, pangalan pa lang, alam mo nang mahirap. Itong si Robert talaga, napakasuwerte na nga nya dahil ipinanganak syang mayaman, gusto pang danasin ang putikan! Hindi ako pumayag kaya’t gumawa ako ng paraan. Ipinakilala ko siya kay Stella, ang nababagay sa kanya. Ayaw man ni Robert ay ikinasal sila ni Stella. Walang magagawa si Robert kundi ang sumunod sa ‘kin.

Pagkatapos makasal nina Robert at Stella, may bali-balitang mayroon daw anak si Robert sa hampas-lupang si Lumeng! At noong kinumpirma ko, totoo nga! Hindi puwede ‘yon! Masisira ang pangalan ng mga Quintana! Kailanma’y hindi kami papatol sa mga tulad ni Lumeng! Siyempre gumawa na naman ako ng paraan. Dahil wala pang anak noon sina Robert at Stella, ipinakuha ko kay Godoy ang anak ni Robert kay Lumeng. At mula noon, pinalaki ang bata sa Villa Quintana. Pinangalanan siya bilang Lynette at siyempre dahil napakayaman namin, wala siyang problema sa pera. Lahat ng gusto niya ay kayang-kaya namin ibigay sa kanya.

Nang lumaki na si Lynette, sinunod niya ang yapak ng kanyang ama. Napakatigas ng ulo! Ilang beses ko bang sasabihin na walang Quintana ang makikipagrelasyon sa mga mahihirap? Isagani ang pangalan ng kinahuhumalingan ni Lynette! Napakasutil talaga ng batang ito! Lalo pang uminit ang ulo ko nang malaman kong, anak ng hampas-lupang si Lumeng si Isagani! Tignan mo nga naman, gustong yumaman ng pamilya nila kaya’t ipinagsisiksikan ang mga sarili nila sa mga Quintana! Eh wala naman silang magagawa kapag ako na ang umaksyon. Ipinaglayo ko sina Lynette at Isagani. Nagmistulang pader ako sa kanilang dalawa para lang hindi matuloy kung ano mang kalokohan ang mayroon sila.

Pero mayroon akong ikinagulat na nagpabago sa takbo ng buhay ko. Isang pagkakamali na hinding-hindi ko matatanggap! Umamin si Godoy na nagkamali siya ng batang kinuha noon kay Lumeng. Hayop na Godoy na ‘yan! Hindi pala si Lynette ang tunay kong apo, tapos siya ang nakaranas ng marangyang buhay! Lalo pa akong nagulat nang malaman kong si Isagani pala ang tunay kong apo ko!

Kaya’t heto ako ngayon, nagpapalakas sa aking apo. Lahat ng luho niya ay ibinibigay ko. Kumbaga, nagbabait-baitan ako para makuha ko ang loob niya. Kahit nga ang hampas-lupang ina niya na si Lumeng ay pinayagan kong tumira sa mansyon ko para matanggap ako ni Isagani bilang lolo niya. Kay Lynette naman, sorry, pero wala siyang lugar dito sa Villa Quintana. Pasalamat na nga siya dahil napakasuwerte niya at naranasan niya ang maging mayaman. Sapat na ‘yon kaya’t puwede na siyang umalis!

Kaya lang, naging malaki ang problema ko kay Lynette. Alam na kasi ng tunay niyang ina na si Amparing na ako ang nag-utos na ipakidnap ang apo ko noon. Nako hindi puwede! Masisira na naman ako kay Isagani! Siyempre dahil makapangyarihan ako, ipinadampot ko sina Amparing para hindi niya masabi kay Lynette ang katotohanan. Nagbayad din ako ng limang milyon kay Linda para magpanggap na ina ni Lynette. Napaniwala niya naman ang lahat kaya’t tapos na ang problema ko. Subalit bumabalik na naman yata ang katigasan ng ulo ni Robert, gusto ba namang sabihin kay Lynette na hindi niya tunay na ina si Linda! Sayang ang pera ko! Kaya ‘yon, nakaisip ako ng paraan para makuha ang loob ni Robert. Nagpanggap akong inatake sa puso para hindi niya sabihin ang katotohanan.

Hawak ko na sa leeg si Robert. Hindi malalaman ni Lynette ang katotohanan. Nasa ilalim silang lahat ng kapangyarihan ko, dahil lahat sila ay pinapaikot ko sa mga kamay ko! – Don Manolo Quintana

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com