TV

Ang bagong characters ng 'Villa Quintana'

Villa Quintana, mayroon tayong bagong characters na susubaybayan. Sino-sino kaya sila at ano ang magiging role nila sa Afternoon Prime soap?


Bettina Carlos bilang Janice

Isang pangyayari sa mga Samonte ang nagtulak para lumabas ang character ni Janice sa Villa Quintana. Ito ay noong malaglag sila sa bangin dahil sa pagtakas nila kay Don Manolo.

Sa naganap na pagkahulog sa bangin, napuruhan si Felix dahil naipit siya sa jeep na sinakyan nila. Habang pinipilit niyang makaalis sa pagkakaipit sa jeep, biglang dumating si Don Manolo para gumanti sa kanya. Tinanggal ni Don Manolo ang kalso ng jeep na pumipigil dito para mahulog sa bangin. Kasama sa nahulog na jeep ang nagsisisigaw na si Felix. Matapos noon, hindi na siya nakita at inakala nang patay.

Pero hindi naman pala namatay si Felix, nailigtas siya ni Janice. Dahil sa angking kagwapuhan ni Felix, napamahal siya  kay Janice. Ngunit hindi naman niya inangkin si Felix dahil hinayaan niya pa rin itong bumalik kay Lumeng.


Nicole Dulalia bilang Snooky

Maraming anak si Amparing at halos lahat sila ay mga babae. Nang malaman ni Amparing na siya ang tunay na ina ni Lynette, ipinakilala na ang character ni Snooky. Isa siya sa mga kapatid ni Lynette.

Noong umpisa, walang alam si Snooky na si Lynette ang hinahanap niyang kapatid. Nag-iba kasi ito ng pangalan para magtago sa mga Quintana. Sa katunayan nga, dingding lang ang pagitan nina Snooky at Lynette sa isa’t isa. Pero nang malaman na niyang ang totoong katauhan ni Lynette, doon naman sila pinigilan ni Don Manolo na sabihin kay Lynette ang katotohanan.

Ipinadampot ni Don Manolo ang mag-inang Snooky at Amparing ngunit tinulungan silang makalaya ni Robert kapalit ng pagpapakalayo kay Lynette. Makikita pa ba ni Snooky ang tunay na kapatid?


Katya Santos bilang Linda

Dahil matalino si Don Manolo, nagbayad siya ng taong magpapanggap bilang tunay na ina ni Lynette. Siya ay si Linda, isang negosyanteng nagbenta ng naluluging kumpanya sa mga Quintana. Kinagat niya ang limang milyon kapalit ng panloloko kay Lynette.

Nang ipakilala ni Don Manolo si Linda kay Lynette, laking tuwa ng dalagang matagal nang hinahanap ang tunay na ina. Hindi na siya nagduda kay Linda at agad siyang napaniwala nito. Mayroon pa ngang photo album na ipinakita si Linda kay Lynette na nagpapatunay daw na anak siya nito. Hanggang kalian lolokohin ni Linda si Lynette?


Diva Montelaba bilang Yvette

Halos kasabay lumabas ni Linda ang character ng kanyang anak na si Yvette. Si Yvette ay matagal na nakulong sa Correctional. Sa kanyang paglaya, gusto niyang makuha ang lahat ng hindi niya naranasan.

Nang umuwi si Yvette sa bahay nila, nagulat siya na naroon si Lynette kasama ng kanyang ina. Lalo pang ikinagulat ni Yvette nang tawagin siyang Ate ni Lynette. Dahil dito, natikman agad ni Lynette ang bagsik ng ugali ni Yvette. Alam kasi ni Yvette na wala siyang kapatid kaya’t bakit naroon ang isang babaeng hindi niya naman kilala. Ano kaya ang mangyayari kina Yvette at Lynette?


Ang pinakabagong character

Bukod sa kanila, may isa pang bagong character na papasok pa lamang sa eksena. Gagampanan niya ang role ng isang anak ng mayor na magugustuhan si Isagani. Siya na ba ang papalit kay Lynette sa puso ni Isagani?

Sino kaya ang bagong character na ito? Huwag palampasin ang paglalabas ng kanyang character sa mga susunod na episode ng 'Villa Quintana'.

Patuloy na subaybayan ang mga bagong tauhan ng Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime.

- Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com