TV

Elmo Magalona, nahihirapan na sa sitwasyon ni Isagani sa 'Villa Quintana'


Nang bumisita ang GMANetwork.com sa set ng Villa Quintana, ikinuwento sa amin ni Kapuso actor Elmo Magalona na nahihirapan siya ngayon sa sitwasyon ng kanyang character na si Isagani.

Sa istorya ng Villa Quintana, lumaki si Isagani kapiling ang pamilya Samonte. Pinalaki siyang simple ng inang si Lumeng (Sunshine Dizon) at ng kanyang Itay Felix (Raymart Santiago). Pero nang malaman ng mga Quintana na kadugo nila si Isagani, pilit nila itong kinukuha sa mga Samonte.

Kuwento ni Elmo, siya mismo ay nahihirapan para kay Isagani. “Ang pinakamalaking factor, dalawang pamilya 'yung kailangan niyang hatiin. Kumbaga kailangan niyang hatiin 'yung sarili niya para makasama 'yung dalawang pamilya niya dahil parte siya ng dalawang pamilyang 'yon,” aniya.

Dagdag pa ni Elmo, “Kailangan kong magbigay ng oras kay Sir Robert , tapos kay Itay Felix din at kay Nanay Lumeng.”

Ayon kay Elmo, bukod pa sa hirap ng pinagdadaanan ni Isagani sa pag-aagawan sa kanya ay nakakapanibago rin daw ang pamumuhay ngayon ng kanyang character. “Ako nanibago ako kasi usually maraming bintana sa bahay namin sa Samonte family. Tapos paggising ko naman diretso lang ako sa kusina tapos kakain na kami. Eh dito (sa Villa Quintana), bago pa kami bumaba sa kusina [ay] kailangang nakapang-alis na kami.”

Sa huli, sinabi ni Elmo na kahit daw nahihirapan siya sa transitions ng kanyang character sa Afternoon Prime soap ay pinagbubutihan niya pa rin ang pag-arte para mas gumanda ang show. Sa katunayan nga raw ay mas nakatutulong pa ang challenge na ito para gumaling siya sa acting.

Patuloy na subaybayan si Elmo Magalona bilang Isagani sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com