TV

Mikoy Morales, may birthday wish para sa best friend niyang si Isagani


Mag-best friend ang characters nina Kapuso actors Mikoy Morales at Elmo Magalona sa GMA Afternoon Prime soap na Villa Quintana. Ngayong birthday ni Elmo, mayroon daw siyang wish para sa character nitong si Isagani.

Maraming pinagdaraanang pagsubok ngayon si Isagani. Nariyan ang pag-aagawan ng mga Samonte at Quintana sa kanya at ang naudlot na pagmamahalan nila ni Lynette. Pero dahil laging nasa tabi ni Isagani ang character ni Mikoy na si Boknoy, kahit paano ay nagkakaroon siya ng lakas ng loob na harapin ang mga problemang ito.

Ayon kay Mikoy, malaki na raw ang papel niya sa buhay ni Isagani. “Parang siya 'yung pinaglalabasan ni Isagani ng sama ng loob.”

At dahil si Boknoy ang best friend ni Isagani, kabisado na raw ng character ni Mikoy ang bida sa Villa Quintana. “Recently, parang palala nang palala 'yung mga nangyayari kay Isagani. Ang daming major changes tapos makikita mo na si Boknoy na nakikita niya na 'yung parang pattern. Nage-gets niya na kung paano si Isagani saka kung paano 'yung situation niya. Basang-basa niya na si Isagani,” saad ni Mikoy.

Dahil birthday na ni Elmo, ang wish daw ni Mikoy para sa character nito sa soap ay magkatuluyan sila ni Lynette. “Siyempre gagawa ako ng paraan para magkita sila ulit ni Lynette. Kasi sa dami ng na-experience nila sa Villa Quintana, hirap pa rin silang magkita ngayon. Hanggang ngayon, hindi pa rin sila makapagkita nang maayos. Si Boknoy 'yung tulay talaga,” aniya.

Samantala, ayon kay Mikoy ay mayroong pinaplano ang Villa Quintana family ni Elmo para sa kanyang kaarawan at gaganapin ito ngayong Lunes habang nagte-taping sila. “Gusto namin siyang i-surprise, basta on the set,” saad niya.

Dagdag pa ni Mikoy, “Kasi si Elmo it's either siya 'yung laging kinukunan or kasama niya lagi si Janine (Gutierrez). Siguro isu-surprise namin siya sa set. Saka 'di ko alam eh, hindi ko alam kung ano ang mangyayari. Siguro spontaneous na lang.”

Pero ayon kay Mikoy, usually daw ay mayroong cake ang lahat ng nagbe-birthday sa taping kaya’t hindi raw puwedeng mawala ‘yon. “I think we're planning something bigger for Elmo. Sila (production team) na [ang] nag-aayos noon,” pahayag niya.

Patuloy na subaybayan si Mikoy Morales at Elmo Magalona sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com