TV

7 qualities ni Isagani na magpapatunay na mabuti siyang anak



Narito ang pitong qualities ni Isagani kung bakit maituturing siyang isang mabuting anak.

1. Nag-aaral nang mabuti



Nang magtapos ng high school si Isagani, nawalan siya ng pag-asang makapag-aral ng kolehiyo dahil hindi siya kayang pag-aralin ng magulang niya sa Maynila. Pero dahil pursigido si Isagani, nag-apply siya ng scholarship at nakuha niya naman ito.

Lumuwas si Isagani sa Maynila mula sa San Isidro para tanggapin ang scholarship na pinasa niya. Dahil bihira lang ang ganitong pangyayari, walang sinayang na pagkakataon ang binata at nag-aral siya nang mabuti.

2. Tinutustusan ang sarili para ipagpatuloy ang pag-aaral



Maraming kabataan ngayon ang hindi nag-aaral dahil sa financial problems. Ibang-iba sa kanila si Isagani dahil kahit hindi siya kayang pag-aralin nina Felix at Lumeng, gumawa siya ng sariling paraan para matustusan ang kanyang pag-aral.

Nag-apply siya bilang isang waiter at delivery boy sa isang pizzeria sa Maynila para magkaroon siya ng pang-araw-araw na panggastos. Kasama niya rito ang best friend niyang si Boknoy at sabay silang nagsusumikap para sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga pamilya.

3. Nagsisimba kasama ang pamilya



Sa mga simbahan ngayon, kadalasan ay magkakaibigan o magkasintahan na ang magkakasama at iilan na lang ang nagsisimbang kasama ang pamilya.

Ibahin ninyo si Isagani dahil kahit sa Maynila pa siya nag-aaral, sinisigurado niyang makapagsisimba siya sa San Isidro kasama ang kanyang Inay Lumeng at Itay Felix. Hindi rin siya nakalilimot sa Diyos na lumikha at gumagabay sa kanya.

4. Humihingi ng tulong para sa pamilya



Alam naman nating mortal na kaaway ng pamilya ni Isagani ang mga Quintana noon. Pero noong nanganganib ang buhay nina Felix at Lumeng, naglakas-loob si Isagani upang humingi ng tulong kay Don Manolo.

Matatandaang ipinakulong ni Don Manolo si Felix dahil sa pagtangkang pagpatay sa kanya nito. Si Lumeng naman ay na-ospital matapos nilang mahulog sa bangin dahil sa ginawa nilang pagtakas sa mga Quintana. Kahit na ipinagtabuyan noon ni Don Manolo si Isagani, tinanggap niya pa rin ang lahat ng panlalait sa kanya para lamang tulungan ang kanyang mga magulang.

5. Iaalay ang sariling buhay para sa ina



Nang mabulag si Lumeng dahil sa aksidente, si Isagani ang umalalay sa kanya at tumayong padre de pamilya. Wala rin kasi noon si Felix dahil inakala nilang patay na ito matapos ng aksidente.

Bukod pa rito, ibinuwis din ni Isagani ang kanyang buhay para kay Lumeng. Mayroon kasing nagtangka sa buhay ni Lumeng at binalak ng mga kriminal na barilin siya. Ngunit dahil isang mabuting anak si Isagani, sinangga niya ang balang dapat sana ay tatama sa kanyang ina.

6. Pinagpapahalagahan ang dalawang ama



Ngayong alam na ni Isagani ang katotohanan na isa siyang Quintana, kinakailangan niyang hatiin ang sarili para sa dalawang amang kinikilala niya. Una ay si Felix, ang amang nagpalaki sa kanya at nagpakita ng pagmamahal mula pa noong bata siya. Ang isa naman ay si Robert, ang tunay niyang ama.

Dahil nararamdaman ni Isagani na nagkakaroon na ng selosan sa pagitan nina Felix at Robert, sinisigurado niya na patas niyang ipinapakita ang pagpapahalaga niya sa dalawang ama.

7. Hindi tinatalikuran ang nakaraan



Marami ang nagtatanong kung bakit kailangan pa ni Isagani na maglako ng nilupak at magsaka gayong isa na siya sa mga pinakamayamang tao sa San Isidro.

Hindi na kailangan pang sagutin ni Isagani ang mga tanong na ito dahil isa lang ang ibig sabihin ng mga ginagawa niya – hindi siya marunong tumalikod sa kanyang nakaraan.

Patuloy na subaybayan si Elmo Magalona sa pagganap niya sa character ni Isagani sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com