TV

Diva Montelaba nailang magmaldita kay Janine Gutierrez


Naging mahirap ang buhay ng character ni Kapuso actress Janine Gutierrez na si Lynette sa Villa Quintana. Mula pa noong magsimula ang istorya ng show hanggang sa nalalapit na pagtatapos nito, mayroon pa ring nanggugulo sa buhay niya. Ito ay si Yvette na ginagampanan ni Diva Montelaba.

Ayon kay Diva, natuwa siya nang ibinigay sa kanya ang role ni Yvette na isang kontrabida. Pero noong malaman niya kung sino ang aapi-apihin niya sa show, tila nangamba raw siya. “Noong nalaman kong magkokontrabida ako kay Janine, mas nag-worry ako kasi Janine is such a really sweet girl. Parang sabi ko, paano ko kaya siya mamalditahan, eh sobrang bait niya in person and the character as well,” aniya.

Dagdag pa niya, “At first lang nag-worry ako. Sabi ko, shocks! Parang naiilang pa akong magmaldita sa kanya. Pero again it's work and like I've said before, mas pinaramdam niya (Janine) sa 'kin na puwedeng gawin ng character ko kung hanggang saan ko gusto para effective. Nag-work naman.”

Sa istorya ng Villa Quintana, nagpapanggap si Yvette na kapatid ni Lynette kapalit ng perang ibinayad ni Don Manalo sa pamilya nila. Ayaw talaga ni Yvette kay Lynette dahil feeling niya ay inaagaw na ni Lynette ang kanyang ina sa kanya.

“Yvette to Lynette: It's really World War 2 kapag nagsama silang dalawa and it is because Yvette doesn't want Lynette to be in her way kasi nga nagseselos siya rito,” sagot ni Yvette.

Lalo pang tumindi ang galit ni Yvette kay Lynette dahil nagustuhan ng nauna ang boyfriend ni Lynette na si Noah. Ayon kay Diva, halos wala siyang maalalang eksena na naging mabuti siya kay Lynette.

Kuwento niya, “Walang instance na naging soft at naging positive 'yung vibe ko sa kanya. Lahat ng pagkikita namin ay galit ako. Mayroon lang sigurong isang eksena pero plastik ako noon. Mabait ako sa kanya pero that was with hidden agenda ko nagawa 'yon.”

Pero ani Diva, kahit daw ganoon ang character niya ay magkasundo naman sila ni Janine offcam. “Nagbibiruan kami at nag-uusap kami na uy, alam mo na, sasabunutan kita. 'Yung mga ganoon pero wala naman, hindi naman big deal kasi offcam sobra naman naming kukulit at maiingay,” aniya.

Subaybayan sina Diva Montelaba at Janine Gutierrez sa huling dalawang linggo ng Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com