TV

Maricar de Mesa stages comeback as a kontrabida in 'Villa Quintana'


Hindi maikakaila na maraming manonood ang sumama ang loob kay Maricar de Mesa dahil sa kontrabida roles na ginampanan niya. She’s one of the most effective kontrabidas in the industry dahil sa galing niyang umarte at sa tulong na rin ng kaniyang mataray na mukha.

Isa sa mga nagmarkang character ni Maricar ay si Olga ng Sana Ay Ikaw Na Nga kung saan siya ang kumontra sa pag-iibigan nina Carlos Miguel (Dingdong Dantes) at Cecilia (Tanya Garcia). Naging hit ang teleseryeng ito noong 2001 at umabot ng dalawang taon.

Pagkalipas ng halos sampung taon, ipamamalas muli ni Maricar ang kaniyang kamalditahan sa remake ng Villa Quintana bilang si Stella. Maituturing daw niya ito bilang kaniyang comeback sa pagiging kontrabida.

Isa si Stella sa mga magpapahirap sa buhay nina Isagani (Elmo Magalona) at Lynette (Janine Gutierrez). Tutol kasi siya sa pag-iibigan ng dalawa. Bukod pa rito ay siya rin ang manggugulo sa buhay ni Lumeng (Sunshine Dizon), na tunay na mahal ng napangasawa niyang si Robert (Paolo Contis).

Ayon kay Maricar, challenging pa rin daw ang role ni Stella kahit na ilang beses na siyang nag-portray ng kontrabida. “Hindi siya ‘yong typical kontrabida na yung galit palagi, umiikot yung mata at sumisigaw. Hindi siya ganung klaseng kontrabida. Hindi ito ‘yong mga ginampanan ko na noon sa ibang teleserye,” paliwanag niya.

Sa roles niya bilang Olga at Stella, sinabi ni Maricar na hindi naman daw nagkakalayo ang goal ng dalawa. Parehas daw kasi nilang ipinaglalaban ang kanilang pagmamahal sa isang lalaking may mahal na iba.

Pero kuwento ni Maricar, malayong-malayo raw ang mga characters na ginagampanan niya sa tunay na personalidad niya. Hindi naman daw masama ang ugali niya at lalong hindi siya kontrabida sa kaniyang asawa na si Don Allado, isang basketball player.

Ikinumpara naman si Maricar ang character ni Stella sa kaniya in real life. “Ibang-iba kasi si Stella. Hindi naman [siya] mahal ng asawa niya eh ako mahal na mahal ako ng asawa ko. I’m happy. Very supportive ang asawa ko. Seven years na kaming kasal eh. Pero 11 years na kami together.”

Nasanay na raw ang asawa niya na napapanood siya bilang kontrabida. Pero kung minsan daw ay natatakot ito dahil feeling nito ay nai-stress si Maricar tuwing gumaganap na kontrabida. Hindi naman daw hinahayaan ni Maricar na ma-stress siya sa trabaho dahil iyon ang paborito niyang gawin onscreen.

Subaybayan Si Maricar de Mesa bilang Stella sa remake ng Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime.  - Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com