TV

Mikoy Morales: “I want to travel na deeper, hindi ‘yong pasyal lang”


Nang bumisita ang GMANetwork.com sa set ng Villa Quintana noong nakaraang linggo, naabutan namin si Kapuso actor Mikoy Morales na paalis na sa taping location.

Papunta raw siya sa airport dahil may flight siya patungong Hongkong.

Kuwento ni Mikoy, dati pa raw naka-book ang vacation niya kasama ang pamilya sa Hongkong. Hindi pa raw niya alam ang itinerary nila pero sa bahay ng tita niya sila mag-i-stay.

Excited daw ang aktor dahil ito raw ang first time na kasama niya ang kaniyang pamilya sa isang trip abroad. “Kasi usually it’s either just me or me and my dad or related sa work. But ‘yong vacation talaga ng family, this is our first,” saad niya.

Ayon kay Mikoy, dati raw ay nakaalis na siya ng bansa dahil sa glee club niya noong nasa kolehiyo pa siya. Nakapunta na raw siya sa Los Angeles at San Diego, California dahil nag-perform siya sa isang chorale concert. Bukod pa rito, dalawang beses na rin daw siyang nakapunta sa Lebanon para din kumanta para sa ating mga OFWs.

Mula raw nang maranasan niyang lumabas ng bansa ay nakahiligan niya na raw ito. Kaya raw nang magkaroon siya ng pagkakataon na makapagbakasyon abroad ay sinunggaban niya na agad.

Ibinahagi ni Mikoy kung ano’ng unang gagawin niya sa Hongkong: “Siguro chance ko na tumikim because I heard their street food was nice like the food sa night market nila. ‘Yon [food] yung isa sa mga favorites ko eh.”

Kung mabibigyan pa raw ng pagkakataon, ang next trip abroad ni Mikoy ay sa Paris, France na. Kabilang din sa mga gusto niyang mapuntahan ay ang Netherlands, New York, South Korea at Norway.

Pero ang dream vacation daw talaga ni Mikoy ay makapag-immerse sa culture ng bansang bibisitahin niya. Dagdag niya, “I want to travel na deeper. Hindi ‘yong pasyal lang.”

Kuwento ni Mikoy, isa pang dream vacation niya abroad ay ang makasama niya ang TeenGen barkada, kabilang si Juancho Trivino na kasama niya rin sa show na Villa Quintana.

Abangan si Mikoy Morales bilang si Boknoy, ang matalik na kaibigan ni Isagani (Elmo Magalona). Patuloy na subaybayan ang kuwento ng Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com