TV

Kyla, challenged sa first mainstay drama role sa 'Villa Quintana'


Si Kyla ang tinaguriang Philippines’ R&B Princess mula nang magpakitang gilas siya sa pagkanta sa dating musical variety show ng GMA, ang SOP.

Pagkalipas ng ilang taon, nagsimula na rin niyang tahakin ang mundo ng drama.

Ilang soap operas na ang nagbigay sa kaniya ng oportunidad na ipakita ang kakayahang umarte. Nagpamalas siya ng acting skills sa shows na tulad ng Narito Ang Puso Ko, Diva, at Time Of My Life bilang guest character.

Ngayon ay kabilang na siya sa mainstays ng soap Villa Quintana.

“Yung mga soap na nagawa ko before, puro mga guestings lang. ‘Yung mga two weeks lang ako, ganoon. Parang ito ‘yung first time na makasama ako as a regular cast. Medyo hindi ako sanay,” pahayag ni Kyla.

Ginagampanan ni Kyla ang character ni Ruby Quintana, ang asawa ng character ni Marky Lopez na si Chito Quintana. Isa siya sa mga tutol sa pag-iibigan nina Isagani (Elmo Magalona) at Lynette (Janine Gutierrez). Mayaman dito si Kyla at hindi masyadong maganda ang ugali.

Ayon kay Kyla, magiging challenge ang pagganap niya sa character ni Ruby dahil malayo ang katangian nito sa kaniya in real life. Dagdag pa niya, “Siguro ‘yun ‘yong challenge kasi medyo hirap akong i-express ‘yung ganoong character.”

Pero sa pagkakatulad naman daw niya kay Ruby, pareho raw silang ina. Ang pagkakaiba lang daw ay malalaki na ang mga anak niya sa Villa Quintana samantalang baby pa rin daw ang anak niyang si Toby.

Any preparations sa pagganap niya sa character ni Ruby?

“Hindi ako nag-workshop pero nag-attend na ‘ko ng mga workshops before. Siguro naman natatandaan ko kasi ‘yung director namin, si Miss Gina Alajar (din), nag-workshop ako sa kaniya dati. So alam ko na kayang-kaya niya akong i-motivate,” sagot ni Kyla.

Pero kung tatanungin daw si Kyla kung pressured ba siya sa mga kasama niyang veteran actors tulad nina Sunshine Dizon at Raymart Santiago, hindi niya raw ito iniisip. Instead ay inaaral niya raw mabuti ang kaniyang script at kung paano niya raw ito iaarte para makasabay siya sa naggagalingang mga aktor.

Subaybayan si Kyla bilang Ruby Quintana sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime.

For the latest on Kyla and your favorite Kapuso stars and shows, keep visiting www.gmanetwork.com. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com