TV

Ang tunay na kulay ni Maricar de Mesa, the Lady of 'Villa Quintana'


Sa Villa Quintana, may dalawang kontrabida na nagpapahirap sa buhay ng bidang si Lynette -- si Stella na kanyang ina at lolo na si Don Manolo.

Ang character ni Lynette ay ipino-portray ni Kapuso actress Janine Gutierrez. Samantala, ang characters naman nina Don Manolo at Stella ay ginagampanan ng veteran actors na sina Roy Alvarez at Maricar de Mesa.

Hindi ito ang unang pagkakataon na naging kontrabida si Maricar dahil sikat na sikat siya
bilang Olga sa hit teleserye noon na Sana Ay Ikaw Na Nga. Nakatrabaho niya rito sina Tanya Garcia at Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.

Madalas na kinukuha si Maricar kapag kinakailangan ng malupit na kontrabidang babae. At kadalasan, ang roles na ibinibigay sa kanya ay classy ang dating dahil kayang-kaya niya itong dalhin.

Bukod pa rito, napaka-fierce rin ng mukha niya at baka kapag may pinandilatan siyang batang artista ay mapaiyak niya.

Nagiging curious tuloy ang fans ng Villa Quintana kung mataray ba talaga si Maricar sa personal dahil nasanay silang nakikita siyang masungit on-screen.

Kaya sa ginanap ng live chat ng cast ng Villa Quintana, ibinato ng fans kina Elmo Magalona, Janine Gutierrez, Juancho Trivino, Rita de Guzman, at Mikoy Morales ang tanong na ito: Kumusta si Miss Maricar kasi parang nakakatakot siya sa show?

Si Janine ang unang sumagot dahil siya ang laging nakakaeksena ni Maricar. “Sobrang sayang kasama ni Ate Maricar. As in palagi siyang may pagkain,” aniya.

Kuwento ni Rita, naiinggit siya kay Maricar dahil napapanatili niya ang pagiging sexy kahit na palagi siyang kumakain. Dagdag niya, “Basta konting kain lang tapos saglit lang tapos kakain na naman siya. Pero ganoon pa rin. Hindi naman siya lumalaki! Bakit ganoon?”

Biro naman ni Mikoy, baka raw kasi niluluwa ni Maricar ang lahat ng kinakain niya sa set pagdating sa bahay. Pero sabi ng aktor, alam niya na madalas mag-exercise si Maricar. Kinumpirma naman ni Janine na parati ngang nasa gym ang aktres.

Ikinumpara ni Janine si Maricar sa kanyang character na si Stella: “Kung ano 'yung character niya, sobrang kaibahan niya sa totoong buhay ‘yun kasi sobrang lambing niya tapos maalaga.”

“At tsaka siya 'yung isa sa mga main cast na if ever nahihirapan tayo sa take, tinutulungan tayo, gina-guide talaga tayo,” dagdag ni Juancho.

Pero ayon sa kanila, lahat naman daw ng veteran actors ay ginagabayan sila during tapings. Sabi nga ni Janine, sobrang swerte raw nila sa mga katrabaho nila sa Villa Quintana.

Patuloy na subaybayan si Maricar de Mesa kasama sina Elmo Magalona, Janine Gutierrez, Juancho Trivino, Rita de Guzman, at Mikoy Morales sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime.

– Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com