TV

'Nakakakaba!' - Janine Gutierrez on working with 'Villa Quintana' veteran actors


Noong ipinakilala ang cast ng Villa Quintana sa press conference nila last year ay naging interesado na ang mga tao sa show dahil sa mga batikang aktor na gaganap sa Afternoon Prime soap.

Sina Sunshine Dizon, Raymart Santiago, Paolo Contis, Maricar de Mesa, Marky Lopez, Dexter Doria, Racquel Villavicencio, Tanya Garcia at ang namayapang si Roy Alvarez ang mga napiling gumanap sa ilang mahahalagang characters ng story ng Villa Quintana. Pawang mga matagal na sa showbiz at maraming roles na ang nagampanan ng mga nasabing artista. 

At dahil sila ang mga batikan sa pag-arte, madalas ay inaalalayan nila ang young actors ng Villa Quintana na sina Elmo Magalona, Janine Gutierrez, Juancho Trivino, Rita de Guzman at Mikoy Morales.

Sa ginanap na live chat ng Villa Quintana young stars noong nakaraang buwan, itinanong sa kanila ng isang fan kung mahirap daw bang makatrabaho ang veteran actors ng show.

“Nakakakaba,” sagot ni Janine.

Sumang-ayon naman agad sina Juancho at Rita sa sagot ni Janine. Pero paglilinaw ni Rita, ang nakakakaba raw doon ay kapag nagkamali ka, habang kaeksena mo ang veteran actors. Nakakahiya raw magkamali dahil bihira silang magkamali. “Pero tutulungan ka talaga nila,” aniya.

Dagdag nga ni Mikoy, talagang tinutulungan sila sa kanilang mga eksena. “Hindi ko alam kung ganoon talaga lahat ng veterans pero sa kung ano 'yung nakikita namin sa Villa, ganoon sila eh,” saad niya.

Ayon naman kay Elmo, nagiging komportable raw siya kapag kaeksena niya ang mga batikang aktor. “Kasi nakakahugot ako sa kanila eh. Makikita mo pa lang sila, kumbaga off-cam hindi sila 'yung character pero kapag nagsabi ng '3, 2,1, Action!', siya na 'yung nanay ko, siya na 'yung tatay ko. Tuloy-tuloy na lang ‘yung nararamdaman ko,” paliwanag niya.

Sa huli, sinabi ni Juancho na malaki ang naitutulong ng veteran actors sa kanilang mga baguhan sa acting dahil lagi silang ginagabayan ng mga ito.

Patuloy na subaybayan ang Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com