TV

Sino kina Lynette at Isagani ang tunay na Quintana?



Noong nakaraang linggo sa Villa Quintana, nagulo ang isip ng mga Quintana kung sino ba talaga ang tunay na anak ni Robert. Nag-ugat ito nang pumunta si Isagani sa villa para kausapin si Don Manolo. Nagmakaawa si Isagani para pakawalan si Felix. Sinabi niya kay Don Manolo na pagbigyan naman ang kanyang hiling dahil isa rin naman siyang Quintana.

Nagtaka si Don Manolo sa pahayag ni Isagani na apo niya ito. Pero nagalit siya dahil hindi siya naniniwala rito. Galit na galit niyang itinaboy si Isagani at kailanman daw ay hindi niya pagbibigyan ang hiling nito.

Kasabay ng pagtaboy ni Don Manolo kay Isagani ay ang pag-amin ni Godoy kay Robert na nagkamali siya ng batang kinuha noong ipina-kidnap ni Don Manolo ang anak ni Robert kay Lumeng. Ayon kay Godoy, ang batang nakuha niya ay ang anak ni Amparing kaya’t hindi Quintana si Lynette. Binalikan kasi ni Godoy ang imbestigasyon sa batang nawala at nalaman niyang hindi si Lumeng ang nawalan ng anak kundi si Amparing. Hindi naman agad naniwala si Robert sa sinabi ni Godoy.

Pagkauwi ni Robert ay naabutan niya si Don Manolo na galit na galit dahil sa ginawa ni Isagani. Ikinuwento niya na sinabi ni Isagani na isa siyang Quintana. Nagtaka naman si Robert sa sinabi ni Don Manolo. Lalo tuloy gumulo ang sitwasyon.

Ikinuwento na lang ni Robert kay Don Manolo ang pag-amin ni Godoy na nagkamali siya ng batang kinuha noon. Gusto sanang kausapin ni Don Manolo si Godoy ngunit nakapagtago na ito dahil sa takot niya sa mga Quintana. Walang nagawa si Don Manolo kaya’t pinuntahan niya si Isagani sa bahay nito para tanungin kung totoo ang sinasabi niyang isa siyang Quintana. Nilinaw naman ni Isagani na totoo ang sinasabi niya, na anak siya ni Robert kay Lumeng. Natigil ang usapan nina Isagani at Don Manolo dahil dumating si Lumeng at pinalayas niya si Don Manolo.

Dahil litong-litong na ang mga Quintana, nagdesisyon silang ipa-DNA test sina Isagani at Lynette. Hindi alam ni Lynette na kumuha si Robert ng hibla ng kanyang buhok mula sa suklay niya. Ipina-kidnap naman ni Don Manolo si Isagani at kumuha sila ng DNA sample sa bibig nito.

Nang lumabas ang resulta ng DNA test, si Robert ang unang nakabasa nito. Pagkatapos ay umuwi siya sa villa para ipakita ang resulta kay Don Manolo. Ang DNA na nag-match kay Robert ay kay Isagani. Ibig sabihin, si Isagani ang tunay na anak ni Robert at hindi si Lynette. Totoo nga ang sinasabi ni Isagani na isa siyang Quintana.

Ano na ang mangyayari kay Lynette ngayong napatunayan nang hindi pala siya Quintana? Mababago ba ang pagtingin ni Don Manolo kay Isagani matapos niyang malaman na siya ang tunay niyang apo?

Patuloy na subaybayan ang Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com