TV

'Voltes V: Legacy' TV release date revealed

By Jansen Ramos

Matapos ang halos isang dekadang pagbuo, inanunsyo na kung kailan mapapanood sa telebisyon ang inaabangang live-action adaptation series na Voltes V: Legacy.

Ibinunyag sa media conference at premiere night ng programa kagabi, April 18, na ipalalabas na ito simula May 8 sa primetime block na GMA Telebabad, 45 years matapos ipalabas sa GMA ang classic '70s Japanese anime na Voltes V, kung saan nakabase ang action-packed drama.

Symbolic ito para sa Voltes V fans dahil May 5, 1978 ang unang broadcast ng mecha anime sa Pilipinas.

Pride and honor ng GMA Entertainment Group ang Voltes V: Legacy dahil 100 percent Filipino-made ang inaabangang serye na mula sa panulat ni Suzette Doctolero at sa direksyon ni Mark Reyes.

Ito ang tinatayang first serious epic sci-fi TV show sa bansa na may basbas ng original maker ng Voltes V, ang Toei Company, Ltd., at ng local licensor nito na Telesuccess Productions, Inc.

Mahigit 100 katao ang trumabaho sa Voltes V: Legacy partikular pa lang sa post-production nito na gawa ng video graphics and audio team ng GMA Post at ng Riot Post-Production na bumuo sa CGI elements ng programa.

Nakita na agad ng mga dumalo sa exclusive cinema screening ng Voltes V: Legacy na pinagkagastusan ang programa dahil sa heavy effects nito, na dahilan kung bakit hindi minadali ang pagbuo rito.

Bago pa man ang pag-ere nito sa TV sa Mayo, may chance munang mapanood ang Voltes V: Legacy sa SM cinemas simula ngayong April 19 hanggang April 25.

Sa mga nais itong mapanood sa big screen, maaaring bumili ng ticket sa SM ticket counters, SMCinema.com, o SM Cinema app.

NARITO ANG PASILIP SA GINANAP NA PREMIERE NIGHT NG 'VOLTES V: LEGACY.'