TV

Kylie Padilla and Pancho Magno end 'Voltes V: Legacy' appearance on a meaningful note

By Jansen Ramos

Namaalam na sa Voltes V: Legacy ang mga karakter nina Kylie Padilla at Pancho Magno, na napanood sa August 22-episode ng maaksyong GMA Telebabad series.

Gumanap si Kylie bilang Arisa, samantalang si Pancho ay si Takeo. Sina Arisa at Takeo ay kambal na mandirigmang inutusan ni Zardoz (Martin Del Rosario), sa pamamagitan ni Contessa Zaki (Vaness Del Moral), na bumihag at pumatay sa Voltes V Team.

Nagtapos ang guest appearance nina Kylie at Pancho sa Voltes V: Legacy sa isang makabuluhang punto--ang pagkampi sa tama kahit pa kapalit nito ang sariling buhay.

Sina Arisa at Takeo ay mga ulila nang lubos. Ang kanilang mga magulang, na kapwa rin mandirigma, ay kapwa namatay sa pakikipaglaban kaya ang magkapatid ay pinalaki rin upang maging mandirigma na sunod-sunuran sa anumang iutos ng kanilang mga pinuno.

Si Takeo ay tahimik na lalaking mandirigma, hindi nagsasalita halos, ngunit maliksi at wala ng puso kaya handang mamatay at pumatay ng sinumang kaaway ng Boazania. Ang tanging pinagkakatiwalaan niya ay ang kanyang kambal na si Arisa.

Si Arisa naman ay isang mandirigmang babae na wala pang nakatatalo sa husay at galing sa pakikipaglaban. Ngunit, hindi gaya ng kanyang kakambal na si Takeo, si Arisa ay may puso pa, marunong maawa at tumanaw ng utang na loob, at tapat makipaglaban.

Dahil lumaki silang wala nang magulang, tanging ang mga aliping walang sungay ang nagpalaki sa kanila kaya't malapit ang loob ni Arisa sa mga ito.

Bagamat pinalaki siyang maging mandirigma at pumatay ng kaaway, ang puso naman ni Arisa ay lubhang malambot kung kaya't ito rin ang kanyang naging kahinaan nang nakaharap niya ang Voltes V.

Lalo na noong napagtanto ni Arisa na ang tunay na kaaway ay ang mga pinuno ng Boazania na mapaniil.

Sa huli, mas pinili nina Arisa at Takeo na mamatay sa kamay ni Zardoz kaysa traydurin ang Voltes V.

Huwag palampasin ang nalalapit na pagtatapos ng Voltes V: Legacy weeknights, 8:00 p.m., sa GMA Telebabad, GTV, I Heart Movies, at Pinoy Hits.

Maaari rin itong mapanood online kasabay ng pag-ere sa TV via Kapuso Stream.

Magiging available naman ang full episodes at episodic highlights ng Voltes V: Legacy sa GMANetwork.com at sa iba pang GMA owned and operated online platforms.

Para naman sa mga Kapuso abroad, bisitahin ang gmapinoytv.com/subscribe para malaman kung paano mapapanood ang programa overseas.