TV

'Voltes V: Legacy,' bagong adisyon sa GMA Afternoon Prime sa May 6

By Marah Ruiz

Hatid ng Voltes V: Legacy ang super robot action sa hapon sa pagbabalik nito sa telebisyon!

Simula May 6, muli nang mapapanood ang groundbreaking Philippine adaptation ng iconic anime na Voltes V sa nangungunang GMA Afternoon Prime.

Excited na ang isa sa lead stars ng serye na si Raphael Landicho, ang child actor na gumanap bilang Little John, dahil sakto sa summer vacation ang muling pagpapalabas ng serye.

"Masaya po kasi volting in again with the Kapuso para 'yung mga bata, mas makikita po nila kami sa TV and mas ma-e-enjoy nila ang mga robot," pahayag niya.

Sang-ayon naman dito si Radson Flores na gumanap bilang Mark Gordon.

"'Yung date po na ipapalabas 'yung Voltes V is nearing summer so mas may time po 'yung mga tao na makapanood 'yung mga hindi po nakasubaybay. Na-e-excite po kami, " bahagi niya.

Ang Voltes V: Legacy ay kuwento ng tatlong magkakapatid na sina Steve, Big Bert, at Little Jon Armstrong, at kanilang mga kaibigan na sina Jamie Robinson at Mark Gordon, na lalaban sa mga puwersa ng humanoid alien na kilala bilang mga Boazanians na nagbabalak na salakayin ang lupa at ilunsad ang kanilang mga beast fighter sa buong mundo.

Bibida rito sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, Matt Lozano, at Raphael Landicho na gumanap bilang Voltes V team.

Mula ito sa produksyon ng GMA Entertainment Group sa pakikipagtulungan ng Telesuccess Productions at TOEI Company.

Let's volt in again sa hapon kasama ang Voltes V: Legacy, simula May 6, 4:00 p.m. sa GMA Afternoon Prime!

May simulcast din ito sa Pinoy Hits, at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.