
Riot sa saya ang Sunday nights n'yo dahil mapapanood na ang pinakabagong action-comedy series ng GMA na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis simula mamayang gabi.
Ang TV adaptation ng hit 90s film na mayroong parehong titulo ay pagbibidahan nina Ramon “Bong” Revilla Jr., Beauty Gonzalez, at Max Collins.
Ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis ay tungkol sa mahusay at matapang na pulis na si Major Bartolome Reynaldo, o Tolome (Bong Revilla Jr.), ng Central Police Command.
Si Tolome ay masigasig sa panghuhuli ng mga kriminal ngunit siya rin ay maawain kung kaya't nadadaan siya minsan sa pakiusapan. Sa kabila ng pagiging matagal na sa serbisyo, nananatiling isang major lamang si Tolome.
Hindi rin popular si Tolome sa mga kapwa pulis, lalo na sa mga hindi sumusunod sa patakaran. Gayunpaman, malaki pa rin ang respeto ng ibang kapulisan kay Tolome dahil sa dami ng kanyang napatumbang kriminal.
Sa kabila ng kanyang pagiging matapang at walang inuurungan, isa lamang ang kinatatakutan ni Tolome, ang kanyang misis na si Gloria (Beauty Gonzalez).
Kabilang din sa stellar cast sina Sparkle stars Kate Valdez, Kelvin Miranda, at Raphael Landicho.
Mapapanood din dito sina Carmi Martin, Nino Muhlach, Dennis Padilla, Maey Bautista, Nikki Co, at Dennis Marasigan. Ipinakikilala naman sa serye ang Sparkle actress na si Angel Leighton.
May special participation dito ang mga kapwa action star ni Bong na sina ER Ejercito, Bembol Roco, at Jeric Raval.
Abangan ang premiere ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis mamayang 7:50 p.m. sa GMA.
SAMANTALA, SILIPIN ANG BEHIND THE SCENES PHOTOS NG WALANG MATIGAS NA PULIS SA MATINIK NA MISIS PICTORIAL SA GALLERY NA ITO.