TV

Pilot episode ng 'Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis', kinaaliwan ng mga manonood; umani ng mataas na TV ratings

By Dianne Mariano

Mainit ang naging pagtanggap ng mga manonood sa pinakabagong action-comedy series ng GMA, ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, na pinagbibidahan nina Ramon “Bong” Revilla Jr., Beauty Gonzalez, at Max Collins.

Ayon sa datos ng NUTAM People Ratings, nakapagtala ang pilot episode nito ng 12.3 percent na higit na mataas sa katapat nitong programa.

Maraming manonood din ang naaliw at natutuwa sa unang episode ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis dahil sa mga comedy at maaksyong eksena nito.

PHOTO COURTESY: GMA Network (YT)

Sa kauna-unahang episode, napanood ang pakikipaglaban ni Major Bartolome Reynaldo, o Tolome, sa mga sindikato. Tumawag ang asawa ni Tolome na si Gloria habang ang una ay nasa bingit ng kamatayan ngunit ang babaeng miyembro ng sindikato ang sumagot ng tawag.

Nang dahil sa pag-aakala ni Gloria na mayroong affair ang kanyang asawa, sinigaw niya sa cellphone ang pangalan ng mister niya kaya muling lumaban si Tolome sa mga kriminal. Hinabol ni Tolome ang lider ng sindikato na si Juancho “Kamao” Dehado ngunit nakatakas ito.

Nakilala naman ni Tolome ang bagong trainee na si Patrolwoman Pretty Competente na kailangan niyang i-train bilang ito ang bago niyang assignment. Hindi nasabi ni Tolome sa kanyang misis na babae ang bago nilang trainee dahil naisip ni Style na baka magalit si Gloria.

Mayroong na-trace si Pretty tungkol sa asawa ni Juancho kaya naman nagsagawa ng undercover operation ang una at si Tolome at nag-disguise sila bilang mag-dyowa para manmanan si Mrs. Dehado sa isang cafe.

Labis ang galit ni Gloria matapos makita na mayroong babaeng kasama si Tolome sa coffee shop ngunit sinabi ng huli na ang kasama niya ay ang bagong trainee na si Pretty.

Ipinaliwanag din ni Tolome kay Gloria na si Style ang may ideya na itago na babae ang bago nilang trainee ngunit galit pa rin si Gloria. Habang nasa gitna ng kanilang 'di pagkakaunawaan, tumawag si Pretty kay Tolome dahil nahanap nila ni Style ang kinaroroonan ni Juancho.

Matagumpay na naaresto nina Tolome at ng kanyang team si Juancho Dehado. Matapos ito, naayos na nila Tolome at Gloria ang kanilang naging away at nais muling magkaroon ng isa pang anak ngunit biglang pumasok si Tiya Lucing sa kanilang kuwarto para manood ng telebisyon.

Nahuli man ni Tolome ang kriminal, tila hindi pa rin nauubos ang kanyang kalaban. Abangan ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis tuwing Linggo, 7:50 p.m., sa GMA.

SAMANTALA, SILIPIN ANG BEHIND THE SCENES NG 'WALANG MATIGAS NA PULIS SA MATINIK NA MISIS' PICTORIAL SA GALLERY NA ITO.