TV

'Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis' cast, kinwento ang masayang experience sa serye

By Kristian Eric Javier

Hindi maitago ang saya ng cast ng hit comedy series na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis na sina Bong Revilla, Beauty Gonzalez, Max Collins, at Angel Leighton nang ikuwento nila ang mga karanasan nila sa serye at tungkol sa kani-kanilang mga karakter.

Sa interview nila sa At Home with GMA Regional TV, sinabi ni Bong na bukod sa magagaling at magaganda ang mga co-stars na kasama niya ngayon sa serye ay nagampanan din ng mga ito ang kani-kanilang mga karakter nang tama.

Ayon pa sa senador at aktor, ang pinagkaiba ng serye sa dating pelikula na pinagbidahan din niya ay mas pinalaki at pinaganda ito ngayon.

“'Pag sinabi nga natin 'di ba, iba 'yung movie, 'yung bigness sa movie, pero pinakita din namin dito sa television man, after 29 years, na ginawa namin na parang pelikula din,” sabi nito.

Ayon naman kay Beauty, na ginagampanan ang role na si Gloria, ay sobrang saya niya at kinilig pa nang malaman na pinili siya ng original na Glora na si Lani Mercado para gampanan ang role.

“Siyempre, sobrang masaya ako, kinilig ako nung nalaman ko and, at the same time, pressured kasi siyempre sobrang blockbuster 'yung movie nila 29 years ago pero hindi naman halata,” sabi nito.

Dagdag pa ng aktres ay ayaw niyang madisappoint si Lani sa pagpili sa kanya, at ipinahayag kung gaano siya ka-thankful na mabigyan ng oportunidad maging ibang Gloria sa serye.

“May pagka-Bisayang Gloria naman ngayon and siyempre, ang laki-laki ng Visayas natin sa Pilipinas. To represent na magsalita ng Bisaya sa TV, nakakakilig,” sabi ng aktres.

BALIKAN ANG PAGKIKITA NG CAST SA KANILANG STIRY CON SA GALLERY NA ITO:

Sa karakter naman ni Max na si Elizabeth, sinabi ng aktres na original ito para sa serye, pero hinango sa karakter ni Pinky Recto na si Mildred sa original film. Ayon pa sa aktres, bukod sa pagkakaroon ng strong personality ay magkakaroon pa ito ng kaunting feelings para kay Tolome.

Paliwanag ni Max, “Kasi ni-rescue siya ni Tolome, so parang she just falls in love with his family because she becomes best friends with Gloria. She becomes part of the family and habang tumatagal, you'll see more of her and more surprises.”

Aminado naman si Angel, na gumaganap bilang Pretty Competente, na hindi niya inaasahang makaka-trabaho niya sina Bong, Beauty at Max sa isang serye.

“Before, pinapanood ko lang sila sa TV but now, kasama ko na sila and action pa, ito pa 'yung dream role ko talaga kaya sobrang saya ko lang talaga kasi sobrang saya namin sa set,” kwento nito.

Dagdag pa ng aktres ay sobrang thankful lang ito sa lahat ng dumating na blessings sa kanya.

Panoorin ang buong interview nila dito: