
Isa si Jeffrey Tam na napapanood ngayon sa Kapuso action-comedy series na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 2, na pinagbibidahan nina Ramon Bong Revilla Jr. at Beauty Gonzalez.
Binibigyang-buhay ng actor-comedian ang role bilang si Bunso sa naturang serye.
Sa naganap na Kapuso Brigade Zoomustahan nitong Martes (April 30), ikinuwento ni Jeffrey na masaya siyang nakatrabaho ang batikang aktor na si Niño Muhlach sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 2.
“Nasa bucket list ko makatrabaho si Niño Muhlach kasi ang dami ko na ring nakatrabahong mga beterano, isa si Niño. First time lang namin magkatrabaho dito sa Walang Matigas [na Pulis sa Matinik na Misis Season 2]. So happy rin ako na nakatrabaho ko ang isa sa haligi ng Philippine show business, which is Niño Muhlach,” aniya.
Ayon pa kay Jeffrey, proud din siya na naging kaibigan niya ang batikang aktor.
Bukod dito, nais makatrabaho ng aktor ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa isang action project.
“Ang gusto kong makatrabaho sa GMA, kung bibigyan ako ng pagkakataon, siguro mga action ulit. Kung mag-a-action pa siya, siguro si Dingdong [Dantes]. Kasi si Dingdong, matagal ko nang kakilala, hindi pa kami nagkakatrabaho,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa ni Jeffrey, nais din niyang makasama sa proyekto ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo.
Subaybayan ang finale ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 2 ngayong Linggo, 7: 15 p.m., sa GMA.