TV

'Ang pangarap ko sa showbiz, lahat ma-try' - Aki Torio


Sa kanyang limang taon sa Pilipinas, hindi lang skills ni Aki Torio ang nag-improve ngunit pati na rin ang kanyang pagsasalita ng Tagalog.

Inaamin niya na isa ‘to sa kanyang weaknesses kaya’t nagpapasalamat siya kay German “Kuya Germs” Moreno na in-encourage pa rin siyang matuto.

Sa 18 years ng Walang Tulugan with the Master Showman, five years nang kasama si Aki kaya’t sabi niya’y malaki ang kanyang utang kay Kuya Germs at sa show.

“Nakakatuwa kasi kasama pa rin ako hanggang ngayon. Maraming salamat (kay Kuya Germs) dahil tinatiyaga niya ako kahit nung hindi (pa) ako marunong magsalita ng Tagalog,” sabi niya.

Sa ‘Eh Kasi, Ewan’ segment ng show naipapakita ang pagka-komedyante ni Aki. Naikwento niya na balang araw, gusto rin niyang maging parte ng longest-running gag show in Philippine television.

“Lagi ko(ng) pinapanood ang Bubble Gang. Nakakatawa po talaga at pangarap ko(ng) maging part (ng show na ‘yun),” wika ng 20-year-old host.

Nabati na rin ng kanyang mga tagahanga ang pagiging komedyante ni Aki at hindi niya namalayan na natural sa kanya ang pagpapatawa. “Kung anumang nasa isip ko, sinasabi ko. Sinasabi po (ng fans) na nakakatawa ako pero hindi ko sinasadya,” wika niya.

Ngayong naka-18 years na ang show na kanyang kinabibilangan, mayroon ding personal goals si Aki.

“Gusto ko po sana (na maging parte) ng teleserye saka movie. Ako po kasi ngayon, sobrang comedy... Gusto ko naman ma-try medyo heavy drama. Movie naman, gusto ko action. Ang pangarap ko sa showbiz, lahat ma-try,” kwento ni Aki.

Mapapanood si Aki bawat Sabado ng gabi sa Walang Tulugan with the Master Showman. Panoorin ang kanilang 18th anniversary episode ngayong Sabado, February 8 sa GMA Sabado Star Power.

-- Text by Meryl Ligunas, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com