TV

Kuya Germs on GMA: 'This is my alma mater. Mahal ko ito.'


Isa nang institusyon sa industriya si German Moreno, o mas kilala bilang Kuya Germs. Sa loob ng mahigit 50 taon niya sa showbiz, ipinakita niya ang kanyang kakayahan sa pag-arte, hosting at higit sa lahat, sa pagiging isang expert star builder.

Iconic na ang makulay at makinang na outfits ni Kuya Germs, pati na rin ang pagsasabi niya ng linyang “Walang tulugan”.

Pagbabahagi ni Kuya Germs: “’Yung [Walang Tulugan with the] Master Showman, nagsimula ‘yan ng 10:30 ng gabi. Sinundan ako ng mga tao. Noong makitang sinusubaybayan ako, iniba na naman ang oras ko hanggang sa dumating ako sa hating gabi. Doon na ako sumigaw ng ‘Walang tulugan!’”.

Eighteen years na ngayon ang Walang Tulugan with the Master Showman. Ano ba ang sikreto ng lasting power nito?

Sagot ni Kuya Germs, “Unang-una, sa ating Panginoon, siyempre. Without him, ano'ng mangyayari? Nakita naman natin na napakarami nang shows na naglalabasan sa telebisyon. Bakit ang Kuya Germs ay nananatili rito?”

Dagdag niya, “’Yung kontribusyon is the most important thing, kung ano ‘yung nagawa mo. Hindi naman ako nagtagal dito para sa sarili ko. Ang sa akin, shine-share ko kung ano ‘yung maishe-share ko sa mga bata especially na nangangarap pasukin ang showbiz.”

Ano ang kanyang maipapayo sa mga nagsisimula pa lamang sa showbiz at nangangarap na magtagumpay sa industriya?

Ayon kay Kuya Germs, “Kung gusto mo ng staying power, kailangan ng pagpapakumbaba, isipin mo kung papaano ka nagsimula at papaano ka lumaki. Lahat iyan ay malaki dahil diyan masusubukan ang tao. Huwag din kalimutan ang respeto, disiplina at professionalism.”

Ano ang kanyang mensahe sa mga masugid niyang tagasuporta?

Ani Kuya Germs, “Salamat, salamat, salamat. Walang katapusang pasasalamat for being part of my life. I celebrated my 50th year in showbiz at ngayon itong Walang Tulugan [with the Master Showman] ay eighteen years na. Wala akong pinagsisisihan.”

“Isa pa, ang GMA ay walang katulad. This is my alma mater. Mahal ko ito,” dagdag niya.

Patuloy na subaybayan si Kuya Germs sa Walang Tulugan with the Master Showman tuwing Sabado ng gabi sa GMA.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com