
Bago tuluyang magpaalam ang karakter ni Brent Valdez na si Peter sa Widows' War, nakatanggap siya ng napakaraming papuri mula sa viewers ng serye.
Ayon sa mga manonood, nagpakita ng mahusay na pag-arte si Brent bilang si Peter, isa sa mga tauhan sa Palacios' Estate.
Sa previous episodes ng murder mystery drama, natunghayan ang intimate scenes ni Peter habang kasama si Basil, ang role ni Benjamin Alves.
Sa isang exclusive video, inilahad ng actor-singer na itinuturing niyang mabigat na challenge ang bed scenes nila ni Benjamin.
“Nag-prepare ako for it kasi ito 'yung first-ever bed scene ko tapos same sex pa. It's very challenging for me,” sabi niya.
Bukod dito, sinabi ni Brent na mayroon siyang shocking moment sa set habang ginagawa nila ang eksena.
Pahayag niya, “Noong nabasa ko 'yung script, hindi ko ine-expect na 'yung nakalagay [sa script] ay mayroon pang ilalabas doon sa actual na shoot.”
Kasunod nito, seryosong inilarawan ni Brent ang kanyang co-actor na si Benjamin, “From the beginning si Benjamin Alves, good friend of mine also… he's very open, he's very giving.”
Ayon kay Brent, mahusay at mabait na aktor si Benjamin.
“He was telling me kung paano naming atakihin 'yung scene…Benjamin Alves is very giving, napakabait, and very communicative siya,” sabi niya.
Samantala, patuloy na pinag-uusapan sa serye kung sino ang pumatay kina Basil (Benjamin Alves), Peter (Brent Valdez), Paco (Rafael Rosell), at Beverly (Bianca Manalo).
Ano kaya ang rebelasyon tungkol sa pagkamatay nilang apat? Sino kaya ang killer sa serye?
Patuloy na tumutok sa Widows' War, mapapanood ito tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime.