
Sa patuloy na pag-ere ng bawat episode ng murder mystery drama na Widows' War, pa-intense nang pa-intense ang mga eksenang napapanood dito.
Mula sa unang episode nito na tampok ang pag-usbong ng pagkakaibigan nina Sam (Bea Alonzo) at George (Carla Abellana) hanggang sa ngayon, talaga namang ramdam ang suporta ng viewers sa istorya at cast na kabilang sa serye.
Ipinagdiriwang ngayong Biyernes, November 15, ang pagtungtong ng Widows' War sa ika-isang daang episode nito.
Bukod dito, ipinagdiriwang din ang one billion views nito sa social media platforms na Facebook, YouTube, at video-sharing application na TikTok.
Sa 100th episode nito na ipapalabas mamayang gabi, matutunghayan ang pagdating ng bagong karakter na makikigulo sa pamilya Palacios.
Sa inilabas na teaser, ipinasilip ang pagdating ni Barry, ang karakter ni Carmina Villarroel na tumawid mula Widows' Web patungong Widows' War.
Magiging palaisipan kina Sam (Bea Alonzo), George (Carla Abellana), at iba pa kung sino nga ba si Barry at kung mayroon siyang koneksyon sa isa sa mga Palacios.
Kabilang din sa dapat abangan ng mga manonood ay ang susunod pang mga rebelasyon sa ilang mga karakter sa serye.
Sino kaya ang killer at ang mastermind sa mga masasamang nangyari?
Huwag bibitiw sa paganda nang pagandang istorya ng Widows' War na pinagbibidahan ng A-list Kapuso actresses na sina Bea Alonzo at Carla Abellana.
Mapapanood ang hit series tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime.