TV

Pauline Mendoza grateful to have worked again with Carmina Villarroel in 'Widows' Web'

By Dianne Mariano

Ngayong taon, muling nagkatrabaho sina Kapuso stars Pauline Mendoza at Carmina Villarroel sa kauna-unahang suspenserye ng GMA, ang Widows' Web.

Sa seryeng ito, binibigyang buhay ni Pauline ang karakter bilang Elaine Innocencio habang ginagampanan ni Carmina ang role bilang Barbara Sagrado-Dee.

Ayon sa Sparkle artist, taos-puso ang kanyang pasasalamat na makatrabaho muli ang seasoned actress.

“I'm very grateful. Para siyang mother sa akin, para siyang ate sa akin, para siyang kaibigan, barkada, lahat na nasa kanya,” pagbabahagi niya sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.

Dagdag pa ng aktres, “Lagi ko nga siyang sinasabihan na, 'Ate, sobrang happy ako, sobrang grateful ako na nakatrabaho kita ulit.' And lagi ko siyang pinapasalamatan na binibigyan ulit ako ng opportunity na makatrabaho siya kasi it's a big blessing.

“Napakalaking blessing na makatrabaho si Ms. Carmina and sobrang sarap niya katrabaho kasi masaya lang siya sa set. Sobrang professional niya, ang gaan niyang katrabaho, ang galing niyang artista, talagang bawat eksena makakahugot ka sa kanya.”

Ibinahagi rin ni Pauline na lubos niyang pinapahalagahan si Carmina dahil sa pagiging supportive nito sa kanya.

Aniya, “Lagi niya akong chini-cheer up na galingan ko. Sinusuportahan niya talaga ako.”

Bago pa ang Widows' Web, nakatrabaho na nina Pauline at Carmina ang isa't isa sa Kapuso primetime soap na Kambal, Karibal at Afternoon Prime series na Babawiin Ko Ang Lahat.

Para sa mas umiinit pa na mga tagpo, patuloy na subaybayan ang Widows' Web tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m., sa GMA Telebabad pagkatapos ng First Lady.

Samantala, silipin ang prettiest looks ni Pauline Mendoza sa gallery na ito.