TV

Ang regalong hiling ni Chlaui Malayao ngayong Pasko

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY: ELISA AQUINO, GMANetwork.com 

Parang matanda na kung mag-isip ang Yagit child star na si Chlaui Malayao dahil malayo sa mga laruan na hinihiling ng mga ordinaryong bata ang gusto niyang makuha ngayong Pasko. Marami siyang pangarap na gustong matupad at isa na rito ang pagpapagawa ng kanilang bahay na nangyari na kamakailan lang.

Dahil likas sa mga bata ang ma-excite sa Pasko, tinanong namin si Chlaui kung ano ang gusto niyang gawin sa first Christmas niya bilang isang celebrity.

“Gusto ko po [ay] mamasyal po kami,” sagot ni Chlaui.

Hilig pala ni Chlaui ang mag-travel abroad dahil lagi siyang dinadala sa labas ng bansa ng kanyang pamilya. Aniya, “Kapag po birthday ko, ipinapasyal po nila ako sa ibang bansa. Lagi po sa Hong Kong.”

Saan pa ba gustong pumunta ni Chlaui? “Gusto ko rin po bisitahin sa Japan 'yung lolo ko, tapos po sa Thailand,” sagot niya.

Bukod pa rito, nais din ni Chlaui na makumpleto ang kanilang pamilya ngayong Pasko. Naroon kasi sa ibang bansa ang ilan sa kanila kaya’t bihira silang magkita-kita.

“Sana makita ko po 'yung mga pinsan ko na nasa ibang bansa at ‘yung mga tita at tito ko. Saka po 'yung lola at lolo ko po kasi po naroon po sila sa Japan ngayon,” saad ng Yagit star.

Pero ayon kay Chlaui, hindi na raw siya naghahangad ng regalo. "Ako po kahit wala na pong gift. Basta po matupad lang po lahat ng dreams ko po tapos po mawala na po lahat ng mga problema po namin," pagtatapos ng Yagit star.