
Sa isang eksklusibong panayam sa Fast Talk with Boy Abunda, ipinahayag ng mga lead actor ng You're My Favorite Song na sina Clifford at Marco Masa na masaya sila sa mga nabubuong fan ships sa kani-kanilang tambalan. Binigyang-diin din nilang walang puwang ang selos o pangangamba mula sa mga tagahanga ng kani-kaniyang grupo.
Sa naturang episode, tinanong ni Tito Boy ang mga aktor na sina Heath, Clifford, at Marco kung may namumuo bang kompetisyon sa pagitan nilang tatlo sa totoong buhay, bukod sa tapatang magaganap sa kani-kanilang mga karakter sa serye.
“Sa basketball po,” pabirong sagot ni Clifford.
Agad naman itong sinundan ni Tito Boy ng tanong kung may pangamba ba sina Marco at Clifford sa kabila ng malakas na suporta ng mga fan sa tambalang 'CapEath.'
Unang tumugon si Marco at sinabing labis ang pasasalamat nila sa mga nabubuong fan ships sa serye. Dagdag pa niya, masaya lamang sila sa pagmamahal na natatanggap mula sa mga ito.
“Hindi naman po kami nangangamba kasi kami personally, we've been very supportive sa ships ng bawat isa so para sa 'min, happy-happy lang po talaga,” ani Marco.
Inamin naman ni Clifford na masaya sila para kina Heath at Caprice, pati na rin sa mga tagahangang sumusuporta sa dalawa. Aniya, ang masugid na pagtangkilik ng mga fan sa kani-kanilang ships ang isa sa mga dahilan kung bakit nabigyan sila ng pagkakataong bumida sa kanilang bagong serye.
“Basically, we're very happy po for Heath and Caprice at the same time napakalakas ng CapEath ship din kasi I believe na because of their fans and also our fans din po ng mga ships, we believe they're also the reason why bakit nakabuo po kami ng show na ganito,” pahayag ni Clifford.
Sa kaparehong panayam din ikinuwento ni Caprice na sobrang saya niya nang malaman niyang makakatrabaho niya sina Heath, Clifford, at Marco. Unang beses pa lang kasi nilang magkakasama-sama sa isang serye.
Dagdag pa niya, itinuturing niyang malaking “blessing” na makatrabaho ang kaniyang mga kaibigan, lalo na't naging close na sila noong panahon ng PBB Celebrity Collab Edition 2.0.
“Nako, sobrang nakakatuwa po na makakasama ko po dito sa work, the first lead din po namin lahat para sa You're My Favorite Song na 'to ay blessed po ako na makasama po 'yung mga friends ko at mga naka-bond ko na rin po dahil sa Bahay ni Kuya,” ani Caprice.
Huwag palampasin ang You're My Favorite Song kung saan tampok sina Heath Jornales, Clifford, Marco Masa, at Caprice Cayetano.
Kasama rin sa powerhouse cast na sina Waynona Collings, Lee Victor, Kairo Lazarte, Andrei Fajardo, Boboy Garrovillo, James Blanco, Katya Santos, at Wilma Doesnt. Sa direksyon ng premyadong direktor na si JP Habac.
Abangan ang You're My Favorite Song simula ngayong June 22, 4:00 ng hapon sa GMA Afternoon Prime!
Related Gallery: Cast ng You're My Favorite Song, kilalanin!