Dennis Trillo sa kanyang pagkapanalo sa AAA 2025: 'Hanggang ngayon nanginginig kamay ko' | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Labis ang pasasalamat ni Dennis Trillo sa kanyang awards para sa 'Green Bones.'

Dennis Trillo sa kanyang pagkapanalo sa AAA 2025: 'Hanggang ngayon nanginginig kamay ko'

By KRISTINE KANG

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Dennis Trillo sa mga parangal at rekognisyong kanyang natanggap ngayong taon. 

Sa isang thanksgiving dinner ng GMA Pictures, taos-pusong ibinahagi ni Dennis ang kanyang pasasalamat sa blessings natanggap niya mula sa 2024 inspirational-drama film na Green Bones.

Isa sa kanyang pinakamalalaking tagumpay kamakailan ang pagkapanalo bilang Best Actor sa Asian Academy Creative Awards 2025.

"Wala kong matandaan na kompetisyon na sinalihan ko dahil ayoko talagang makipag pagalingan o makipagkompitesnya kahit kanino man," ani Dennis sa naturang party.

"Dahil sa Green Bones, natanggap ko isa sa mga prehisteryosong parangal na pinaglalabanan sa buong Asya. Hanggang ngayon nanginginig nga ' yung kamay ko, e."

Inialay rin ni Dennis ang kanyang award sa buong Green Bones team, mula sa production team hanggang sa buong cast. 

"Napaka special ng proyekto na 'yun na kahit isang taon nakalipas, umaani pa rin ng mga parangal, pagkilala kahit sa ibang bansa," pahayag niya sa isang report sa 24 Oras.

Sa panayam niya noon sa GMANetwork.com, ibinahagi ni Dennis ang kanyang kasiyahan sa mga international na parangal na natatanggap ng pelikula. Para sa kanya, hindi lamang ito simpleng trophy kundi isang pagpupugay sa talento ng mga Pilipino.

"Napaka-fulfilling nun bilang artista na hindi lang dito sa Pilipinas na nare-recognize 'yung mga trabaho, talent. Napapansin din ng mga ibang lahi, nagugustuhan (at) nakaka-relate sila," aniya. 

"Nakakatuwa na 'yung mga pinaghirapan mo kumbaga malayo na 'yung mga nararating nila. Magandang proyekto 'yung mga ginawang nakatulong 'yun para ma-promote 'yung sa atin."

Kasabay ng mga panalo ni Dennis, nagwagi rin ang Green Bones sa iba’t ibang prestihiyosong award-giving bodies ngayong taon. 

Patuloy rin itong nagbibigay ng inspirasyon at emosyon sa mga manonood sa pamamagitan ng special screenings, film festivals, at digital streaming sa Netflix.

Balikan ang heartwarming moments ng Green Bones Thanksgiving dinner dito: