GMA Kapuso Foundation, namigay ng hygiene kits sa Nueva Ecija | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Namigay ng hygiene kits ang GMA Kapuso Foundation sa Nueva Ecija bilang bahagi ng Linis Lusog Kapusong Kabataan Project.  

GMA Kapuso Foundation, namigay ng hygiene kits sa Nueva Ecija

By MARAH RUIZ

Dumayo ang GMA Kapuso Foundation sa Guimba, Nueva Ecija para magturo ng wastong paghuhugas ng kamay at pagsisipilyo.

Dito nakilala ng Foundation ang pamilya ni Rogelio, isang taga-tanim ng palay.

Dahil sa hirap ng buhay, naghahati ang kanyang apat na anak sa iisang toothbrush. Bukod dito, asin ang ginagamit nilang toothpaste.

"Kailangan bawat isa sa pamilya ay may kanya-kanyang toothbrush kasi may bacteria po 'yan na naiiwan. Kung may sakit 'yung isang miyembro ng pamilya, magkakahawa-hawa po sila. Kung hindi tayo makabli ng toothpaste, pwede po nating gamiting alternative ang asin," pahayag ni Dr. Cynthia Reyes, presidente ng Philippine Association of Private School Dentists.

Kaya naman minabuti ng GMA Kapuso Foundation na bigyan ang pamilya ni Rogelio at kanilang mga kabarangay ng hygiene kits na may toothbrush, toothpaste, mouthwash, shampoo at sabong panligo.

Hinandugan din ang pamilya ng GCQ Kapuso family packs, tubig at vitamins para sa mga bata.

Nangako naman ang GMA Kapuso Foundation na babalikan pagkatapos ng pandemic ang isa sa mga anak ni Rogelio, si John-john na anim na buwan nang iniinda ang sakit ng ngipin.

Bilang bahagi ng Linis Lusog Kapusong Kabataan Project kasama ang Philippine Association of Private School Dentists, tinuruan din ng GMA Kapuso Foundation ang mga teacher at barangay health workers ng sa Guimba, Nueva Ecija ng proper handwashing at oral hygeine tips.

Katuwang pa rin sa operasyon ang 7th Infantry Division, 84th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Lubos naman ang pasasalamat ng GMA Kapuso Foundation sa tulong ng STC Paper and Packaging Solutions at Poten-Cee.

Para sa mga nais pang maghatid ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.