Batang anim na buwan nang iniinda ang sakit ng ngipin, binalikan ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Binalikan ng GMA Kapuso Foundation si Jhun-jhun, isang bata sa Nueva Ecija na anim na buwan nang iniinda ang sakit ng ngipin.

Batang anim na buwan nang iniinda ang sakit ng ngipin, binalikan ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Nakilala ng GMA Kapuso Foundation ang batang si Jhun-jhun Santiago nang tumungo ito sa Nueva Ecija para sa Linis Lusog Kapusong Kabataan Project.

Bahagi ng proyekto ang pamamahagi ng hygiene kits at pagbibigay ng oral hygiene seminar sa barangay health workers at teachers dito.

Napag-alaman ng GMA Kapuso Foundation na dahil sa kahirapan, naghahati sa iisang toothbrush si Jhun-jhun at kanyang mga kapatid.

Bukod dito, anim na buwan na ring iniinda ni Jhun-jhun ang sakit ng kanyang ngipin. Gumagamit na lang siya ng kinayod na sanga ng malunggay sa paniniwalang lunas ito sa sakit na nararamadaman.

Gusto man siyang ipagamot ng kanyang amang si Rogelio, wala silang pera para sa pamasahe at pangkonsulta sa dentista.

Kasama si Jhun-jhun at kanyang pamilya sa mga nabigyan ng dental hygiene kits ng GMA Kapuso Foundation. Nangako naman ang Foundation na babalikan ang bata para maipatingin.

 

GMA Kapuso Foundation promotes oral hygiene

 

Nitong Martes, sa tulong ng 7th Infantry Division, dinala ng GMA Kapuso Foundation si Jhun-jhun sa dental detachment ng Fort Magsaysay Army Station Hospital sa Nueva Ecija.

"Excited. Mawawala na po 'yung sakit ng [ngipin] ko," pahayag ni Jhun-jhun.

Binigyang linaw naman ng dental surgeon na si Lt. Col. Stevens Navata ang paggamit ng malunggay para sa kirot.

"Hindi na kailangan 'yung malunggay. 'Yung bayabas, mas maganda. Marami ding naidudulot kasi ito na medikasyon sa pamamaga ng ngipin at sa kirot. Para sa toothbrush na rin po, ginagamit din ito noong unang panahon sa kabundukan," pahayag niya.

Para sa mga nais pang maghatid ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.