Mga nasa relocation center sa Ormoc, kabilang sa tinulungan ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kabilang ang ilang nasa relocation center sa mga natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa Leyte at Samar.

Mga nasa relocation center sa Ormoc, kabilang sa tinulungan ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Tatlong taon nang nakatira sa relocation center sa Ormoc si Elias Ascura kasama ang kanyang asawa, dalawang anak at mga apo.

Ito ay matapos masira ang kanilang tahanan noong lindol noong 2017.

"I-relocate daw kami pero hanggang ngayong wala pa. Nandito pa rin kami," pahayag niya.

Nakaligtas sila sa lindol at pati sa bagyong Yolanda pero panibagong hirap daw ang dala ng pandemic dahil walang hanap buhay.

71 taong gulang na kasi si Elias kaya hindi na pinapapasok ng kumpanya dahil sa banta ng COVID-19.

"Parang na low morale, wala nang pangsuporta sa mga pamilya ko. Lalo na ngayon nasa tent pa kami, kapag umuulan tumutulo," kuwento niya.

Madalas asukal ang inuulam ng kanilang pamilya. Buti na lang, may taniman silang nakakatulong pantawid sa pang-araw araw.

 

 


Para matulungan sila sa kanilang pagbangon, kabilang sila sa 800 taong hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng GCQ family packs sa Ormoc, Leyte at Tarangnan, Samar.

Katuwang pa rin sa pamamahagi ang 8th Infantry Division ng Philippine Army at AFP Joint Task Force NCR.

Para sa mga nais pang maghatid ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.