Batang hindi makalakad dahil sa bukol, ipapa-opera ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipapa-opera ng GMA Kapuso Foundation ang isang bata mula sa Cagayan na hindi makalakad dahil sa laki ng bukol sa kanyang puwet.

Batang hindi makalakad dahil sa bukol, ipapa-opera ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

March 2020 nang unang inilipad ng GMA Kapuso Foundation ang batang si Qwinzy Bangalan mula Cagayan patungong Maynila.

Ipinakonsulta kasi siya sa doktor dahil sa bukol sa kanyang puwet. Dahil dito, hindi makalakad o makatayo ang bata kaya gumagapang na lang siya para makagalaw.

"Sacrococcygeal Teratoma, ito po ay isang uri ng bukol malapit doon sa dulo ng kanyang spinal column," paliwanang ni Dr. Beda Espineda tungkol sa kundisyon ni Qwinzy.

Dahil sa pandemya, natigil ang naka-schedule na operasyon ni Qwinzy.

Ngayong buwan, binalikan ng GMA Kapuso Foundation sai Qwinzy sa kanyang tahanan sa Cagayan. Nagdaos pa ng maliit na salu-salo dahil ipinagdiwang niya ang kanyang ika-walong kaarawan.

GCQ or general community quarantine na sa Maynila kaya maaari nang ituloy ang operasyon ni Qwinzy. Muli siyang ipinasuri sa doktor ng GMA Kapuso Foundation.

 

GMA Kapuso Foundation

 

"Ang laki ng bukol. Mayroon na rin siyang malalalim na sugat. Base doon sa chest x-ray, may nakita dito na haziness-- senyales ng pneumonia," lahad ni Dr. Charee Gretchen Taguba-Ong, medical specialist II sa Far North Luzon General Hospital and Training Center.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng Philippine Army 5th Infantry Division at ni Dr. Charee Gretchen Taguba-Ong, ng Far North Luzon General Hospital and Training Cetner sa Luna, Apayao.

 

Samantala, nangangalap pa rin ang GMA Kapuso Foundation ng donasyon para sa pagpapagamot kay Qwinzy.

Sa mga nais tumulong kay Qwinzy at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at GCash.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.