GMA Kapuso Foundation, nagpapatayo ng classrooms para sa dalawang paaralan sa Cagayan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagpapatayo ng tig-dalawang silid-aralan ang GMA Kapuso Foundation para sa Calassitan Elementary School at Abiongan Uneg Elementary School sa Sto. Niño, Cagayan.

GMA Kapuso Foundation, nagpapatayo ng classrooms para sa dalawang paaralan sa Cagayan

By MARAH RUIZ

Nitong nakaraang Abril sinimulan ng GMA Kapuso Foundation ang pagpapagawa ng tig-dalawang silid-aralan para dalawang magkaibang paaralan sa Sto. Niño, Cagayan.

Matapos ang isang buwan, bumalik ang GMA Kapuso Foundation sa mga paaralang ito para kumustahin ang konstruksiyon.

Tuwing malakas ang ulan, napupuno ng tubig at putik ang Calassitan Elementary School. Umaapaw kasi ang creek malapit dito. Lumalambot din ang lupa na galing sa bundok at napupunta ito sa paaralan.

Kapag nangyayari ito, kanselado ang mga klase sa lahat ng antas sa eskuwelahan.

'Pag may ulan na, 'yung parang may bukal na pumapasok sa classroom namin," paliwanag ni Corazon Andam, isang guro sa Calassitan Elementary School.

Sa ngayon, malapit nang matapos ang dalawang classrooms na ipinapatayo dito ng GMA Kapuso Foundation.

"Kami po dito sa Calassitan Elementary School ay nagagalak, nasisiyahan at siyempre excited," pahayag ni Diwata Capili-Paat, isa ring guro ng paaralan.

 

GMA Kapuso Foundation

 

Samantala, tuluy-tuloy din ang construction ng dalawa pang classrooms sa Abariongan Uneg Elementary School.

Todo suporta kasi ang mga volunteer parents na tumutulong sa pagpapagawa nito.

"Nag-volunteer po ako dito kasi mayroon akong dalawang anak na nag-aaral dito," pahayag ni Geraldine Corpuz, isa sa mga volunteer parent.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa suporta ng Dwightseel Roofing, Philippine Army 5th Infantry Division, New Zealand Embassy, PPG Coatings (Philippines) Inc., Holcim Philippines Inc., Manila Water Foundation, Sanitec Bath and Kitchen Specialist, at Hanabishi sa proyekto.

Sa mga nais tumulong sa patuloy na pagpapatayo ng mga classroom na ito at maging sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.