Tindero ng gulay sa Cebu, binigyan ng customized wheelchair ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Isang customized wheelchair ang handog ng GMA Kapuso Foundation sa isang tindero ng gulay sa Cebu.

Tindero ng gulay sa Cebu, binigyan ng customized wheelchair ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Ipinanganak na hindi nakakalakad dahil sa sakit na polio si Zolo Bugwac na mula sa Cebu.

Sa mahigit 42 taon, gumagapang siya para makagalaw. Ni minsan ay hindi pa raw siya nagpatingin sa doktor.

"Kung papatayuin ko siya, hindi siya nakakatayo, sobrang kurba niya," lahad ni Felicitas Bugwac, nanay ni Zolo.

Gayunpaman, naghahanap-buhay si Zolo bilang tindero ng gulay at tubig.

 

GMA Kapuso Foundation

 

"Binu-bully ako dahil disabled lang daw ako. Papaano daw ako makakapaghanap ng pera?" kuwento niya tungkol sa kanyang mga karanasan.

Ngayong National Disability Month, isa si Zolo sa mga hinandogan ng wheelchair ng GMA Kapuso Foundation, katuwang ang Latter-Day Saints Charities, AFP Central Command at Department of Rehabilitation Medicine ng Vicente Sotto Memorial Medical Center.

Hindi lang ordinaryong wheelchair ang inihandog kay Zolo kundi isang customized tricycle wheelchair na maaari niyang gamitin sa pagtitinda.

"Push back and forth para tatakbo 'yung wheelchair. May portion dito na pwede mong lagyan for the business," paliwanag ni Hentze Loseñara, OTRP, na chief occupational therapist sa Department of Rehabilitation Medicine ng Vicente Sotto Memorial Medical Center.

"Bata pa lang ako, nangarap ako ng ganyang klaseng wheelchair," pahayag ni Zolo.

Samantala, ang ate ni Zolo na si Marilyn, hindi rin nakakalakad. Ayon kay Loseñara, mayroon itong cerebral palsy. Isa rin ito sa mga binigyan ng wheelchair.

Sa kabuuan 70 wheelchairs, 10 strollers at 12 mechanical arms, ang naipamahagi ng GMA Kapuso Foundation sa mga may kapansanan ngayong National Disability Month.

Nakatakda pang mamigay ng walong wheelchairs sa Cebu at siyam pang mechanical arm sa Luzon.

Sa mga nais magpaabot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.