Batang may bukol sa leeg, masigla na matapos tulungan ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Maayos na ang kalagayan ng batang may bukol sa leeg matapos tulungan ng GMA Kapuso Foundation.

Batang may bukol sa leeg, masigla na matapos tulungan ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Dalawang taon na ang nakalilipas nang inilapit ng kanyang mga magulang sa GMA Kapuso Foundation ang batang si Jarred mula sa Samar dahil sa malaking bukol sa kanyang leeg.

"Parang dalawa po 'yung ulo niya kasi singlaki ng ulo niya 'yung bukol," kuwento ni Jovelito Gabia, tatay ni Jarred.

Na-diagnose si Jarred na may cystic hygroma.

"[Ang cystic hygroma ay] parang growth or 'yung sinasabing bukol. Kadalasan ito ay nangyayari sa isang baby. Ang naging sanhi ng cystic hygroma ay 'yung lymphatic [system] na obstruct at nagkaroon siya ng lymphatic fluid," paliwanag ng pediatric surgeon na si Dr. Marcus Lester Suntay sa kundisyon ni Jarred.

"Ang probelma sa ganoon is puwede siyang mag-obsrtuct noong sa airway. Kasi nandito siya sa bandang leeg, kapag lumaki siya, puwede siyang magpigil sa paghinga," dagdag pa ng doktor.

Noong 2019, nagtungo ang GMA Kapuso Foundation sa Catbalogan, Samar para magsagawa ng surgical outreach program. Dito, idinulog ng kanyang mga magulang ang kundisyon ni Jarred na agad namang natulungan.

Sa tulong ng World Surgical Foundation Philippines at Philippine Children's Medical Center, matagumpay na natanggal ang malaking bukol sa kanyang leeg.

 

 

"Napakasaya po sa amin kasi natanggal na po 'yung bukol niya. Magaan na po sa [loob] namin, parang nabunutan na po kami ng tinik," pasasalamat ni tatay Jovelito.

 

Dalawang taong gulang na ngayon si Jarred at sa muling pagbisita sa kanya ng GMA Kapuso Foundation, nakakapaglaro at maayos na niyang naigagalaw ang kanyang leeg.

"Taos-puso po kaming nagpapasalamat sa GMA Kapuso Foundation at sa PCMC sa successful na operasyon sa anak namin," pahayag naman ni Jorreca Montaces, nanay ni Jarred.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa Philipine Army 8th Infantry Division, World Surgical Foundation Philippine Chapter, Dr. Marcus Lester Suntay, at Philippine Children's Medical Center sa pakiisa para matulungan si Jarred.

 

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash at Globe Rewards.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.