GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Maring sa Ilocos Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 5,00 taong nasalanta ng bagyong Maring sa Ilocos Sur.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Maring sa Ilocos Sur

By MARAH RUIZ

Nagmistulang evacuation center ang tahanan ni Teresita Cortez sa Brgy, Hermosa, Sta. Cruz sa Ilocos Sur.

Dahil sa bahang dulot ng bagyong Maring, lumikas dito ang mga kapitbahay na kamag-anak niya rin.

"'Yung mga kapitbahay ko po, noong kasagsagan ng kalakihan ng tubig, nandito sa bahay. Mga 20 po kami siguro," kuwento ni Teresita.

Tinangay ng bagyo ang kanyang mga pananim at ang mga alagang hayop kaya pinagtiyagaan niyang hugasan ang bigas na naputikan para makakain ang lahat.

Kahit na nawalan din, bukal sa puso siyang tumulong sa mga nangangailangan.

"Maganda po 'yung pakiramdam na makapakain ka, makatulong ka ng kapwa," lahad ni Teresita.

Kabilang sila sa mga natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan.

 

 


5,500 indibidwal sa anim na barangay sa Sta. Cruz, Sta. Lucia, Candon at Narvacan sa Ilocos Sur ang napakain at nabigyan ng mga relief goods.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakiki-isa nina GMA Network Inc. Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon, AFP NOLCOM, Philippine Army 7th Infantry Division, 81st Infantry Battalion, at Procter and Gamble Philippines, Inc.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash at Globe Rewards.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.