GMA Kapuso Foundation, nananawagan ng tulong para sa 23-year-old na dalaga na may abnormal na bituka | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nananawagan ang GMA Kapuso Foudnation ng tulong para sa 23-year-old na may Hirschsprung Disease o abnormal na bituka.

GMA Kapuso Foundation, nananawagan ng tulong para sa 23-year-old na dalaga na may abnormal na bituka

By MARAH RUIZ

Hindi mo aakalain may dinadala palang karamdaman si Cassandra Valleja, 23 years old, mula sa San Pedro, Laguna.

 

"[Taong] 2016 po 'yun nangyari. Nahihirapan po akong dumumi. Doon po nagsimula 'yun," kuwento niya tungkol sa kanyang kundisyon.

Dahil sa takot, hindi niya sinabi sa mga magulang ang nararamdaman at piniling magtiis.

"Masyado nang naging kumplikado. Lagi pong sumasakit 'yung tiyan ko. Nahihirapan po ako. Napagdesiyunan ko po na sabihin ko na," pagpapatuloy ni Cassandra.

Natuklasan na may Hirschsprung Disease o abnormal na bituka si Cassandra.

"Niresetahan po nila ako ng pampadumi. Hindi pa rin po gumana. Hanggang sa noong 2018 na po na mas lumala nang lumala na po siya. Doon na po nag-decide 'yung doctor na operahan ako," aniya.

Matapos ang unang operasyon, ang datng masigla at hataw gumalaw na si Cassandra, naging mahiyain na.

"Nalulungkot po ako. Limitado na po ngayon eh," pagtukoy niya sa colostomy bag na kailangan niyang isuot.

Bilang tulong kay Cassandra, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng colostmoy bags para sa kanya at Kapuso grocery packs para sa kanyang pamilya.

Isinanguni rin siya ng GMA Kapuso Foundation sa doktor.

 

 

"Based sa mga pag-aaral, namamana siya. Ang iba naman ay napapansin nila na doon sa may mga malnutrition. Ang mga ganito is either two-stage--dalawang operasyon or tatlo," paliwanag ni Dr. Marcus Lester Suntay, pediatric surgeon.

"Sana po ma-operahan na ako," hiling ni Cassandra.

"Kumakatok po ako sa inyong mga puso na sana po ay matulungan n'yo po ang anak ko," panawagan naman ni Carlos Valleja, ama ni Cassandra.

Para sa patuloy na gamutan at susunod na operasyon ni Cassandra, maaaring mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation. Maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, at Globe Rewards.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.