GMA Kapuso Foundation, naghatid ng pamasko para sa mga vegetable farmers sa Benguet | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sa pagpapatuloy ng "Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas" project, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng pamasko para sa vegetable farmers sa Bakun, Benguet.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng pamasko para sa mga vegetable farmers sa Benguet

By MARAH RUIZ

Pagtatanim ng gulay sa ekta-ektaryang lupain kahit bilad sa tirik na araw o basa sa ulan ang pinagkakakitaan ni Lina Saguibal mula sa Bakun, Benguet.

Kahit mahirap, nagsisikap siya bilang isang vegetable farmer para sa kinabukasan ng mga anak.

"'Pag wala silang pinag-aralan, siyempre magbubukid sila. Ang hirap-hirap kaya noon," pahayag ni Lina.

Unti-unti na ring nagbubunga ang kanyang pasisikap dahil nakatapos na ang isa sa kanyang mga anak.

"Papa, Mama, maraming-maraming salamat po sa inyo dahil alam po namin na hindi madali ang maging farmer pero dahil po sa pagmamahal at dedikasyon niyo ay napag-aral n'yo po kami," pahayag ni Krizyl Joy Saguibal, anak ni Lina.

Sa ngayon, ang bunsong anak lang ang nasa piling ni Lina. Nasa La Trinidad kasi ang iba pa niyang mga anak para makasabay sa online class.

Sa pagpapatuloy ng "Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas" project, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng gift bags na may Noche Buena package, laruan at hygiene kit para sa vegetable farmers sa Bakun, Benguet.

"Pinrayoritize namin ang Benguet kasi alam namin sobrang naapektuhan kayo noong bagyong Maring. At saka noong pandemya, talagang 'yung ekonomiya dito medyo talagang it underwent a trial," pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, EVP and COO ng GMA Kapuso Foundation.

 

 

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na pakikiisa sa proyekto ng AFP-Northern Luzon Command, Philippine Army-5th Infantry Division, Alpha Company 5th CMO Battalion, JTF-NCR, PNP Bakun, Youth For Peace-Baguio Chapter, Century Pacific Food Inc., Philippine Airlines Foundation, Jollibee Group, Colgate-Palmolive Philippines Inc., STC Plastic and Paper Packaging Solutions, Rhea Generics at Philusa.

 

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.