Tricycle driver sa Laguna, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Tinugunan ng GMA Kapuso Foundation ang sulat ng misis ng isang tricycle driver mula sa Cavinti, Laguna.

Tricycle driver sa Laguna, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Simula 6:00 am, pumapasada na agn tricycle driver na si Joel Magano, mula sa Cavinti, Laguna.

Hindi niya iniinda ang pamamanhid ng kamay sa 15 oras na pamamasada araw-araw.

"Ayoko po kasi 'yung nakikita ko 'yung anak ko saka po 'yung pamilya ko na walang kakainin. Gusto ko po kasing makaipon," pahayag ni Joel.

Dahil sa pandemya, humina ang kanyang kita. Minsan, PhP100 na lang ang naiuuwi niya. Dumarating pa sa punto na toyo, asin o kaya ay tsitsirya ang inuulam nila.

"Nalulungkot nga po ako eh. Kaya nga po sabi ko, hangga't kaya kong maghanapbuhay, hindi ko ipaparanas sa kanila 'yung naranasan kong hirap," ani Joel.

Laging nag-aalala ang asawa niyang si Melibal Toque tuwing nakikitang masama ang pakiramdam ni joel. Pero kahit daw sabihan niya itong magpahinga, tuloy pa rin ito sa pagkayod.

"Salamat sa 'yo kasi kahit talagang masama 'yung pakiramdam mo, talagang pinipilit mo pa rin bumyahe,"  mensahe ni Melibal sa asawa.

Para masuklian ang kasipagan ni Joel, sumulat sa GMA Kapuso Foundation si Melibal para idulog ang kanyang simpleng hiling.

"May pagsaluhan tapos po 'yung may bigas po kami," paliwanag ni Melibal sa hiling niya para sa asawa.

Agad na nagutungo ang GMA Kapuso Foundation sa Cavinti, Laguna para tugunan ang hiling.

Hinatiran ng GMA Kapuso si Joel at Melibal ng Kapuso grocery packs, vitamins, hygiene kits, isang sakong bigas, dalawang sakong uling, at mga bagong damit para sa buong pamilya.

Dahil dito, nakapag day-off muna si Joel sa pamamasada.

"Salamat po. Sana po marami pa kayong matulungan," mensahe ni Joel.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa F2N Marketing-Theobroma C na siyang katuwang sa proyektong ito.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

 

Operation Bayanihan

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.