Batang minsan nang napa-operahan ng GMA Kapuso Foundation, kailangan ng karagdagang tulong dahil sa clubfoot | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Matapos maipatanggal ng GMA Kapuso Foundation ang bukol niya sa puwetan, kailangan naman niya ng therapy para makalakad dahil sa kanyang clubfoot.  

Batang minsan nang napa-operahan ng GMA Kapuso Foundation, kailangan ng karagdagang tulong dahil sa clubfoot

By MARAH RUIZ

Pitong taon na ininda ng batang si Qwinzy Bangalan ang malaking bukol sa kanyang puwetan dahil sa kundisyong spina bifida.

"Buhat-buhat niya po 'yun, ang bigat bigat po. Ganoon din po sa akin, pagbuhat ko po, napaka bigat noong bukol niya," paggunita ni Victoria Tamayo, lola ni Qwinzy.

Naghiwalay ang magulang ni Qwinzy kaya si lola Victoria ang nagsisilbi bilang paa niya. Hindi rin nakakapag-aral si Qwinzy matiyaga siyang tinuturuan ng kanyang kapatid.

"Gusto ko pong alagaan hanggang sa paglaki po namin," pahayag ni Cyrus Bangalan, kapatid ni Qwinzy.

Napa-operahan ng GMA Kapuso Foundation si Qwinzy noong August 2021. Maayos na siyang nakakaupo pero hindi rito nagtatapos ang tulong na kailangan niya.

Hindi kasi nakakalakad si Qwinzy dahil sa kanyang clubfoot. Sumasailalim siya ngayong sa therapy para maitama ito.

Naglaan din ang GMA Kapuso Foundation ng bilateral solid ankle foot orthosis o 'yung leg brace para maayos ang deformity para sa kanya.

 

Operation Bayanihan

 


"Kadalasan may ginagawa na procedures sa clubfoot. It's either gawin nilang casting, serial casting, or may operation talaga para ma-correct 'yung clubfoot. Yes, in time, with proper management saka therapy, makalakad po si Qwinzy," paliwanag ng pediatric surgeon na si Dr. Marcus Lester Suntay.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa World Surgical Foundation Philippines, Volunteer Nurses of ORNAP, Philippine Army 5th Infantry Division, Philippine Airforce, Philippine Redcross, at Childhaus sa pakikiisa sa proyektong ito.

Nangangailangan pa rin ng tulong si Qwinzy para sa tuloy-tuloy niyang paggaling.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa kaya at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.