GMA Kapuso Foundation, muling ilulunsad ang Silong Kapuso project ngayong Marso | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Maghahatid ang GMA Kapuso Foundation ng bagong bubong para sa mga nasalanta ng bagyong Odette sa ilalim ng Silong Kapuso project.

GMA Kapuso Foundation, muling ilulunsad ang Silong Kapuso project ngayong Marso

By MARAH RUIZ

Dalawang buwan matapos ang pananalasa ng bagyong Odette, walang patid ang GMA Kapuso Foundation sa pamamahagi ng iba't ibang tulong sa mga nasalanta nito.

Ang pamilya ni Cheryl Daydora na mula sa Brgy. Lunsongan, Limasawa Island, araw-araw nag-iipon ng barya para maipaayos ang kanilang bahay na napinsala ng bagyo.

"Nag-iipon kahit papaano--lima-limang piso, sampung piso. 'Pag may kita sa labor sa dagat, iniipon pambili ng bubong, yero, pako," paliwanag ni Cheryl.

Kakalipat lang nina Cheryl sa kanilang bahay noong September 2021 kaya lalong masakit na pinadapa ng bagyong Odette ang ipinundar na bahay.

Sa ngayon, sumisilong sila sa trapal, habang sa ilalim naman ng bahay natutulog ang kanyang panganay na anak.

"Trapal ang gamit namin kasi walang bubong, wala kaming yero. Wala pang pera pambili," pahayag ni Cheryl.

Muling ilulunsad ng GMA Kapuso Foundation ang Silong Kapuso project sa Limasawa Island sa darating na Marso. Sa ilalim nito, 100 wasak na mga bahay ang hahandugan ng yero sa Brgy. Lunsongan at San Agustin.

 

Silong Kapuso

 

Para naman sa ibang barangay sa Limasawa Island, nag-organize ng bike for a cause event ang 8th Infantry Division noong nakaraang Valentine's Day para makalikom ng pondo para sa mga kailangan pang materyales sa pagpapaayos ng mga bahay.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa suporta ng Armed Forces of the Philippines, VISCOM, Lt. Gen. Robert Dauz; Philippine Army, 8th Infantry Division, Maj. Gen. Edgardo Y. de Leon, 802nd Infantry Brigade, Brig. General Zosimo Oliveros, 14th Infantry Battalion, Lt. Col. Ernesto dela Rosa, 82nd Civil Military Operation Battalion, 8th Regional Community Defense Group; Philipine Coast Guard-Eastern Visayas; Philippine National police; GCash; Sogo Cares by Hotel Sogo; Adamson Medtex International Corporation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.