February 23 2022
Hindi bumibitiw ang GMA Kapuso Foundation sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
Bumalik ang GMA Kapuso Foundation sa Limasawa Island para muling maghatid ng tulong at magbigay ng maayos at matibay na bubong sa mga residenteng napinsala ang mga tahanan doon.
Isa sa mga natulungan si Nick Cupat, mula sa Brgy. San Agustin, Limasawa Island, dating liaison officer sa isang travel agency sa Manila. Dahil sa pandemya, nawalan siya ng trabaho at pinili ang umuwi sa probinsiya.
"Naubos talaga 'yun, lahat ng gamit ko. Mga refrigerator, lahat ng napundar kong appliances, bineneta ko 'yun para makauwi dito. Nag-umpisa kami sa wala, hanggang sa nakapagtrabaho ako sa munisipyo," pahayag ni Nick.
Unti unting siyang nakaipon at nakabili ng mga materyales para sa bahay. Tuwing Sabado at Linggo, tinitiis niya ang sikat ng araw para itayo ang bahay para sa apat na anak. Pero dahil sa bagyong Odette, nasira ang sinisimulang bahay ni Nick.
"Ang sakit nga eh. Hindi pa nga halos natapos 'yun, giniba ng bagyo," paggunita niya.
Hanggang ngayon, pinaglumaang pako, yero at kahoy ang pansamantalang ginagamit ng mga residenteng tinamaan ng bagyong Odette tulad ni Nick para may muling makapagtayo ng masisilungan.
Bumalik ang GMA Kapuso Foundation sa Limasawa Island para maghanda sa paglulunsad ng Silong Kapuso project. Sa ilalim nito, mabibigyan ng yero at materyales na pambubong ngayong ngayong Marso para sa 100 residente sa Brgy. San Agustin at Lunsongan.
"'Yung ibibigay niyong tulong sa amin dito, napakalaking blessing po 'yan sa amin," mensahe ni Nick.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na suporta ng Armed Forces of the Philippines, VISCOM, Lt. Gen. Robert Dauz; Philippine Army, 8th Infantry Division, Maj. Gen. Edgardo Y. de Leon, 802nd Infantry Brigade, Brig. General Zosimo Oliveros, 14th Infantry Battalion, Lt. Col. Ernesto dela Rosa, 82nd Civil Military Operation Battalion, 8th Regional Community Defense Group; Philippine Coast Guard-Eastern Visayas; Philippine National Police; GCash; Sogo Cares by Hotel Sogo; and Quanta Paper Corporation sa proyekto.
Magkakaroon din ng Silong Kapuso project sa Bohol at Southern Leyte.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus