Batang may namamagang dila, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nananawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation ang isang bata na halos sinlaki na ng mukha ang dila dahil sa pamamaga.

Batang may namamagang dila, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Dating makulit at masiyahin ang batang si Gadiel Caagusan mula Mandaluyong.

Ngayon, naging tahimik at mahiyain na siya dahil sa dilang namamaga at halos sinlaki na ng kanyang buong mukha.

Hirap kumain si Gadiel at kailangan pang durugin ang mga kakainin niya. Dahil dito, bumagsak na rin ang katawan niya dahil sa kakulangan sa nutrisyon.

Matapos kumain, matiyaga at maingat naman nililinis ni Gadiel ang kanyang dila, katuwang ang kanyang ama.

"'Yung dating sigla niya na makikita mong naglalaro sa labas, tapos makikita mo patakbo takbo, ngayon iba na. Nandidito na lang siya, tatanaw sa pinto," kuwento ni Melvin Bonete, ama ni Gadiel.

Dahil sa kundisyong ito, nanawagan siya ng tulong sa GMA Kapuso Foundation.

Agad namang ipinakonsulta ng GMA Kapuso Foundation sa isang espesyalista si Gadiel.

 

Bisig Bayan Medical Assitance project

 

"Nagkakaroon talaga ng paglaki dahil sa sinasabi nating hemangioma. 'Pag sinabing hemangioma, ito ay tumor. Tumor pa rin ito, benign naman siya. Dugo ang laman nitong bukol na 'to," paliwanag ni Dr. Gil Vicente, senior ENT consultant sa St. Luke's Medical Center.

Ipinaliwanag din niya kung paano ang magiging gamutan para kay Gadiel.

"So ang mangyayari, eventually kailangan nating itong angiography. Once na-identify natin ang feeding vessel, ang ginagawa lang po natin ay pwede tayong may tinatawag na embolization. 'Pag sinabing embolization, mayroon kaming inilalagay, kunwari ito 'yung feeding  vessel, para magharang, para hindi na siya mag-supply doon sa blood vessel natin. Pagka sinuplayan natin dito, pwede na 'tong lumiit na kaagad eh," lahad ni Dr. Vicente.

Tinatayang PhP80,000 hanggang PhP250,000 ang angiography with embolization, at hindi pa kasama dito ang bayarin para sa laboratory work.

Nananawagan ng tulong ang GMA Kapuso Foundation para kay Gadiel sa ilalim ng Bisig-Bayan Medical Assistance project.

"Sana po matulungan niyo po ako. Gusto ko na pong gumaling," mensahe ni Gadiel.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Heaven's Heart sa proyekto at sa Singapore Diagnostics para sa swab tests ng mag-ama.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para kay Gadiel sa ilalim ng Bisig-Bayan Medical Assistance project at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.